SASAMPAHAN ng kaso ng Bayan Muna si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Zenaida Ducut dahil sa pagkabigong isumite ang report kaugnay ng sinasabing sabwatan ng generation companies sa taas-singil sa koryente noong 2013.
Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, sasampahan nila ng kaso si Ducut sa Ombudsman ngayong araw.
“Dina-draft na ‘yung complaint at ipa-file hopefully bukas o the next day ‘yung unang complaint against Chairperson Ducut,” sabi ni Colmenares sabay wikang solong kakasuhan ang ERC chair.
“Tapos titingnan namin ‘yung other ERC members, baka next week (kasuhan). Magkaiba kasi ‘yung responsibilidad nila e… ‘Yung chairperson may administrative control siya,” paliwanag ng kongresista.
Binanggit din ni Colmenares na ilang beses nang ipinangako ng ERC ang paglalabas ng resulta ng imbestigasyon sa sinasabing collusion o sabwatan.
Binigyan na rin aniya nila ang opisyal ng hanggang Nobyembre 7 na palugit ngunit wala pa rin inilabas ang komisyon.
Matatandaan, pumalo sa P4.15 per kilowatt hour ang dagdag-singil na inaprobahan ng ERC para sa Manila Electric Company noong Disyembre 2013 ngunit pinigil ito ng Korte Suprema.