BAKiT hindi namin napapanood sa mga serye si Marissa Sanchez?
Huli siyang napanood sa Maybe This Time movie nina Coco Martin at Sarah Geronimo na kasama rin ang manager niyang si Ogie Diaz na sa pakiwari namin ay isinama lang din siya.
Ito rin pala ang tanong ng singer/comedienne sa sarili niya.
“Minsan nga, nakaka-offend na kasi inilalako naman talaga ako ni Ogie, tapos kapag may nasalubong kami (talent coordinator/executive), sasabihin, ‘uy Ogie, buti nakita kita, kailangan kita’. ’Di ba nakaka-offend? Ako ‘yung talent, tapos manager ko pala ang kailangan. Mas marami pang raket ang manager ko kaysa akin,” nakangiti pero halatang seryoso si Marissa nang ikuwento ito.
Balik-tanong namin kay Marissa na baka naman sinusulot ni Ogie ang mga project na para sa kanya, “ha, ha, ha, hindi naman.” Singit naman ng katoto, “magkaiba kami, bakla ako, babae siya.”
Hindi kaya kulang si Marissa sa PR kaya hindi siya madalas maalala ng talent coordinators o ng mga bossing ng network kapag bumubuo na sila ng shows o pelikula?
“Hindi naman, mabait naman, palabati naman ako, ipinagluluto ko naman ‘yung mga taong mahal ko ng specialty ko na adobo,” aniya.
EIGHTEEN SONG PARA SA ANAK
Dahil tulog ang kanyang acting career ay sa promo ng kanyang pangalawa at seryosong album na may titulong Slowing It Down muna siya nagpapaka-busy.
Una naming napakinggan ang kanta sa album ni Marissa sa programa nina katotong Ogie at MJ Felipe sa DZMM na OMG.
Pinatugtog ang awiting Eighteen na si Marissa raw mismo ang isa sa sumulat kasama sina ThorDulay (The Voice finalist), Romer Timbreza, at Elmer Blancaflor. At inaalay daw niya ito sa tatlong gulang na anak na babae.
Pinakinggan namin ang kanta at sobrang nadala kami sa lyrics kaya tinext namin ang katotong Ogie ng, “ang ganda ng lyrics, nakaiiyak.”
Next ang awiting, Help Me Forget na akala namin ay si Kuh Ledesma ang kumakanta. Nag-comment nga rin ang katotong MJ na mala-80’s daw ang tunog at sang-ayon kami kaya tinext ulit namin si Ogie na, “mala-Kuh?”
Limang araw ang nakalipas ay nag-text na ang katotong Ogie na kung puwede raw ba kaming maimbita sa pocket interview ni Marissa para sa album niya na Slowing It Down.
Sa totoo lang, naunahan lang kami ni Ogie dahil maski hindi naman niya kami imbitahin ay kukulitin namin siyang bigyan kami ng kopya ng CD dahil gustong-gusto namin ang awitingEighteen.
Sa nasabing panayam ay tinanong namin si Marissa kung ano ang carrier song niya sa Slowing It Down album ng magkita kami at sabi niya na wala pa.
Ngek, maganda raw ang sales ng Slowing It Down tapos wala pang carrier song?
Nag-survery si Marissa sa ilang katotong katsika niya sa Center Stage, Morato at dalawa kami ni sir Isah Red na Eighteen ang gawing carrier song dahil katwiran ng broadsheet editor ay huwag gawing carrier song ang cover songs dahil hindi siya matatandaan. Oo nga naman ang orihinal na kumanta pa rin ang maaalala ng tao.
Ang suhestiyon daw ng katotong Ogie ay ang Panghabangbuhay o Pag-Ibig Ko’y Pansinin (Faith Cuneta) para may recall. Pero kaagad naming kinontrang dalawa ni sir Isah.
Hanggang sa iparinig ni Marissa ang Eighteen. ending halos lahat ng nakarinig ay iisa ang sinasabi na ito na lang ang gawing carrier song.
Abot-abot ang pasalamat ni Marissa at sinabi niyang, “I will put that in mind. Ang takot ko kasi baka maraming hindi maka-relate kasi pang –mother ang kanta, pero sige, will think about it.”
GUSTONG MAG-IWAN NG LEGACY
Nalaman naming ikalawang album na ito ni Marissa na ang una ay puro kalokohan ang lyrics dahil double meaning, “novelty songs kasi, ‘di ba uso ‘yun at saka ibinagay sa akin bilang komedyana.”
Ang rapper na si Andrew E pala ang producer ng album niya noong 2000, eh, oo nga, anong mae-expect mo, eh, ‘di kalokohan nga tulad ng mga awiting, Fax Me, Dakota Note, Ibaon Moat ang carrier song na Magbati na Tayo.
Ending, super-flop ang album kaya pagkalipas ng 14 years ay heto at may album na si Marissa, ang Slowing It Down na siya mismo ang nag-produce na distributed naman ng UniversalRecords.
Paliwanag ni Marissa, nabago ang lahat ng panuntunan niya sa buhay nang magka-anak siya at gusto niyang magpaka-seryoso sa pagkanta.
Hindi raw ipinaririnig ng singer/comedienne ang mga green joke niya.
“Ay hindi, siyempre ayoko. Siya nga ang dahilan kaya ayoko ng green jokes, siyempre ayoko namang isipin niya na nanay niya bastos,” birong sabi sa amin.
Dagdag pa, “I told my husband, I want to do this because I want to leave a legacy. A legacy for whom, for my daughter, for all the people who believe in me.”
Nabuo niya ang album dahil sa kakukulit niya sa mga kaibigan na tulungan siya para makalikom na mabuo ang Slowing It Down.
Isang milyon ang kailangan ni Marissa, “that includes promotion and royalties of songwriters. So I almost decided not to push through with it. Then my friends encouraged me to go through with it. Fortunately, these friends are not poor so they helped me.”
At ang nakakapanibago sa Slowing It Album ni Marissa ay hindi siya tumitili, “The title pertains more to my choice of songs and my persona. I used to be very loud, and my songs were throat-smashing (birit) songs, puwede naman palang kumanta ng hindi bumibirit at maganda naman palang pakinggan.”
Ang iba pang kanta sa album bukod sa Panghabang Buhay, Pag-Ibig Ko’y Pansinin atEighteen ay Kailan Sasabihing Mahal Kita, Help Me Forget, It Takes Too Long, Dindi, Sunlight, at Sometimes.
BALIK-PUHUNAN LANG
Hindi naman hinangad ni Marissa na umabot sa gold o platinum basta balik-puhunan lang daw.
“What I do hope is that sales will be good enough for people to tell me, ‘Uy, Marissa, ang ganda ng mga song. Somehow, through my songs, through my music, through my album, I managed to touch people’s lives. That you can sleep better after hearing my songs. That you’re no longer insomniac. That I made an impact,” katwiran ng alaga ni Ogie.
At higit sa lahat, mai-share ang mga isinulat niya sa album at may litrato rin silang pamilya, “actually, it’s table album kasi may mga isinulat ako, frustrated journalist kasi ako.”
At para marinig ang nilalaman ng album ni Marissa ay magkakaroon siya ng grand launch show sa Area 05 Events Place sa October 29 (Miyerkoles).
ni Reggee Bonoan