CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang isang sundalo at sibilyan na sugatan sa pagbagsak ng sinasakyang chopper ni 4th ID commanding officer, B/Gen. Ricardo Visaya sa loob ng Camp Ranao, Marawi City kahapon.
Inihayag ni 4th ID spokesperson Maj Christian Uy, ilang minuto lamang mula sa pag-take off ng Sokol multi-purpose helicopter ay biglang nawalan ng enerhiya na naging dahilan ng pagbagsak.
Sinabi ni Uy, sugatan ang mismong piloto ng chopper habang nasugatan rin ang isang bystander sa pagbagsak ng nasabing sasakyan.
Tiniyak ni Uy na ligtas si Visaya at nakabalik na sa 4th ID headquarters sa lungsod. Hindi pa matukoy ang dahilan sa pagbagsak ng chopper.
Una nang sinabi ni Uy na 11 ang nakasakay sa chopper na sinasakyan ni Gen. Visaya.
Ang chopper ay isa lamang sa apat choppers na kabilang sa delegasyon nina DILG Secretary Mar Roxas, DND Secretary Voltaire Gazmin at DoE Secretary Jericho Petilla.
Napag-alaman, nagtungo ang mga opisyal upang magpulong sa ilang mga lider sa Marawi City kahapon.