ni Reggee Bonoan
MARAMING tanong sa amin ang supporters ni Sam Milby kung bakit wala raw solong kanta ang aktor sa soundtrack ng Dyesebel, eh, singer din naman daw siya?
Nagtanong kami sa taga-Dreamscape na namamahala sa soundtrack ng Dyesebel, “hindi bagay sa genre ni Sam kasi acoustic siya ‘di ba? Eh, pop ang genre nitong soundtrack kaya hindi siya kasama.”
Hayan maliwanag pa sa sikat ng araw sa karagatan ang sagot kung bakit wala si Sam sa Dyesebel soundtrack.
Samantala, dream come true para kay Anne Curtis ang mapabilang sa singers na tampok sa official soundtrack ng top-rating primetime fantaserye ng ABS-CBN na Dyesebel.
Si Anne ang umawit ng feel-good track na Pag Kasama Kita na magpapaalala sa mga nakakikilig na karanasan ni Dyesebel (Anne) kasama sina Fredo (Gerald Anderson) at Liro (Sam Milby).
Kasama rin sa Dyesebel: The Official Soundtrack ang mga awiting Tangi Kong Kailangan ni Lea Salonga kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra; Magkaiba Man Ang Ating Mundo ni Jed Madela, at Puwang Sa Puso ni Juris.
Mapakikinggan din sa album ang lullaby version ni Juris ng Puwang Sa Puso, ang Pop version ni Yeng Constantino ng Tangi Kong Kailangan, at ang English version nito na All I Need na kinanta naman ni Lea.
Kasama sa Dyesebel Official Soundtrack ang minus one versions ng mga kanta handog ng Star Records na mabibili na sa record bars nationwide, at maaari na ring ma-download sa iTunes.