ni Maricris Valdez Nicasio
KAHANGA-HANGA talaga ang pagiging ismarte ni Julia Barretto dahil naitatawid niya ang mga maseselang katanungan sa katatapos na presscon ng Mira Bella noong Martes.
Kahit ang katanungan ukol sa pagkokompara sa kanya ng galing sa pag-arte sa mga tita niyang sina Claudine at Gretchen Barretto ay nasagot niya iyon ng maganda. Aniya, “The expectations are so high, ine-expect nila na magiging kasing galing ko sila agad. Pero you know I’ve got the support system of my directors, my co-workers. We know we understand we’re just starting, there’s a lot of time to improve.”
Na tama nga naman. Hindi tayo dapat agad mag-expect na kasing galing na agad siyang umarte ni Claudine kahit galing pa siya sa mga angkan ng mga artista. Feeling kasi namin, masayahing bata si Julia at naging masaya ang kanyang childhood kaya tila walang angst na puwedeng paghugutan. Pero, pasasaan ba’t magiging magaling na artista rin si Julia, wait lang natin.
Napuna rin namin na pina-practice ni Julia ang advise ng kanyang mga magulang sa kanya dahil marunong siyang makisama sa lahat. Sinabi raw ng kanyang magulang na,”kailangang mabait, mabuti ka sa lahat because you can be the best actress out there, pero kung masama naman ang ugali mo, wala ka ring mapupuntahan.”
Anyway, sa edad 17, iginiit ni Julia na bawal pa siya sa mga kissing scene kaya huwag tayong mag-expect na mayroong magaganap na pakikipaghalikan ang dalagitang ito sa kanyang mga leading man na sina Enrique Gil at Sam Concepcion. “Bawal pa po, I’m just 17, kaka-17 ko lang po,” paliwanag ni Julia.
Sa Marso 24, Lunes na ipakikita nina Julia, Sam, at Enrique ang tunay na kahulugan ng kagandahan at pag-ibig kaya tutok na.
Ang Mira Bella ay idinidirehe nina Erick Salud, Jojo Saguin, at Jerome Pobocan. Ito ay obrang pantelebisyon mula Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng phenomenal TV program na Walang Hanggan, top-rating superhero teleserye na Juan dela Cruz, at ng katatapos lamang na Honesto.