NAKATSIKAHAN namin si Jayson Gainza sa labas ng Annabels Restaurant noong Miyerkoles ng gabi pagkatapos ng presscon ng Mumbai Love at nabanggit niya na sobrang bait ng producer nilang si Niel Jeswani kasama ang nanay nito dahil sila raw mismo ang gumagawa ng costumes nila sa pelikula.
“Bilib ako, mapeperang tao, pero napaka-down to earth at mababa ang boses, wala kang mairereklamo,” bungad ng komedyante sa amin.
Hindi kilala ang producer ng Mumbai Love kaya tinanong namin si Jayson kung ano pa ang ibang pinagkakakitaan nito para makapag-produce ng pelikulang tinatayang nasa budget ng P50-M dahil maraming bansa ang ipinakita sa pelikula.
“Ang alam ko, trading at realty sila, may mga hotel sila sa India tapos mayroon din sa mga probinsiya. Siguro gusto namang maiba ang linya ng negosyo kaya nag-produce. Sana kumita, bigyan ng chance, mabait, eh, sobra,” papuri ni Jayson sa producer ng Mumbai Love.
Samantala, biniro namin si Jayson na ang dami-dami niyang projects kasi magaling siyang artista at mabait din, walang ginagawang kalokohan kaya good karma lagi.
Say ng komedyanteng aktor, “kasi para akong Chinese, mura (talent fee) lang ako, pero maramihan. Magtataas nga ako ng presyo, tapos isa lang project ko, paano na? Kaya okay na ako sa mura, marami naman.
“Tungkol naman sa kalokohan, ayoko ng ganoon, hindi talaga ako gumagawa niyon, takot ako sa karma, lalo na mga anak ko maliliit pa. At saka mahirap ‘pag binalikan ka (karma).
“Tulad n’yan, may social media na, paano kung may kasama ako, nakunan ako, na-twitter o instagram pa, eh, ‘di patay ako sa misis ko? Ayokong matulad kay Wally Bayola, ha, ha, joke lang,” tumatawang sabi ng aktor.
Sabay bawi, “actually mabait si Wally, namali lang talaga.”
Samantala, tinanong namin si Jayson kung nakakuwentuhan na niya si John Lloyd Cruz na parating kasama ni Angelica Panganiban at dumadalaw din sa taping ng Banana Split.
“Actually, ganito talaga ‘yun (sabay muwestra na akala mo alam ang dahilan), kasi nga itong si John Lloyd, sobrang ano, eh. At saka ganoon,” kuwentong walang pinatunguhan.
At biglang nagseryoso na ang komedyante, “sa totoo lang, ‘pag nagkaka-kuwentuhan kami nina John Lloyd at Angelica, wala silang binabanggit, kumbaga nilalampasan nila ‘yung episode na ‘yun. Eh, nakakahiya namang magtanong na, ‘di ba? Hayaan na lang.”
Oo nga naman, namatay na ang isyu, eh, bakit bubuhayin pa ulit. At saka lumalangoy na si Dyesebel ng palayo kaya deadma na.
Sa kabilang banda, binibiro naming ‘mayaman’ na si Jayson sa rami ng raket, “hindi, mahirap pa rin kasi nga mura lang talent fee ko, kaya paano ako yayaman? Ang importante lang, nabubuhay kami ng pamilya ko ng maayos, tahimik, nakakapag-aral sila, may natitirhan kami, okay na.
“Wala naman akong business, hindi naman ako magarbong tao, hindi naman ako mahilig sa branded na gamit, simpleng tao lang, so masaya na ako,” paliwanag ng aktor.
Oo nga, ang ilang kasabayan niya noon sa Pinoy Big Brother Season one ay mga nawala na tulad ng kaibigan niyang si Franzen Fajardo na tuluyan ng iniwan ang showbiz dahil naging pasaway, si Uma Khouny na hindi rin alam kung nasaan na at iba pa.
Reggee Bonoan