TUMAAS din naman daw ang pangkalahatang gross ng Metro Manila Film Festival sa unang araw niyon ng 12% kung ikukompara sa kinita noong nakaraang taon. Pero wala naman silang mailabas na figures kung magkano talaga ang kinita ng mga pelikula.
Binanggit din nila na pinakamalaki ang kinita ng pelikula nina Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon. Pangalawa raw iyong Girl, Boy, Bakla, Tomboy. Pangatlo ang pelikula ni Daniel Padilla, at pang apat iyong pelikula ni Eugene Domingo. Hindi na nila binanggit ang standings ng apat na iba pa. Ayaw nilang malaman kung sino talaga ang nabalolang sa apat na pelikulang ang kinita ay mas mababa sa level.
Totoo namang may nabalolang ding pelikula. Ang akala nga namin sa taong ito ay walang pelikulang mapu-pull out, dahil hindi naman sumali ang pull out queen. Pero noong ikalawang araw ng festival, na ayon sa rules ay hindi pa maaaring magkaroon ng palitan ng mga sinehan, napansin naming may pelikulang nabawasan na ng sinehan. Hindi nila inaamin iyan, pero nadaanan kasi namin ang sinehang pinaglalabasan ng pelikula noong araw ng Pasko. Noong sumunod na araw, iba na ang palabas. Ibig sabihin na-pull out din ang nabalolang na pelikula.
Hindi mo naman masasabing hindi uso ang mga youngstar, dahil kumita ang pelikula ni Daniel. Siguro ang masasabi nga lang natin, talagang hindi pa magsasayang ang mga Pinoy sa pelikulang ang bida ay mga starlet lamang.
Iyon naman ang sinasabi ng maraming observers. Makikita mo na ang mga pelikulang kumita ay iyon sa mga box office stars lang talaga. Ibig sabihin, sa pagdaraan ng mga panahon, patuloy na nabubuhay ang star system. Basta ang pinagsama-sama mo sa pelikula mo ay puro starlets, lost ka.
Ed de Leon