PATAY ang isang 4-anyos batang lalaki at isang suspek habang inihahain ang warrant of arrest sa isang grupong tinukoy na sangkot sa iba’t ibang kriminalidad sa Calamba City sa lalawigan ng Laguna nitong Miyerkoles ng umaga.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang nadamay sa madugong enkuwentro na si Akhiro Sañez, 4 anyos, residente sa Barangay San Cristobal sa nasabing lungsod ng nabanggit na lalawigan.
Dead on the spot ang isang suspek na kinilalang alyas Romar Awid, nang tamaan ng bala ng baril sa kanang bahagi ng katawan.
Isinugod sa Calamba Medical Center Hospital ang mga sugatang sina CMS Alberto Plaza at SSG John Principe, kapwa warrant section police personnel ng Calamba police station, dahil sa tama ng bala sa kanang balikat at kanang binti, ayon sa pagkakasunod.
Parehong nasa stable na kondisyon ang dalawang sugatang opisyal at nananatiling nagpapagaling.
Isa pang sugatan — si Florencia Mendoza, 57, alyas Flor, ay isinailalim sa operasyon sa Calamba Doctors hospital.
Ayon kay Lt. Col. Dennis De Guzman, hepe ng Calamba police, pangunahing target ng pagpapatupad ng arrest warrant sa kasong homicide ang isang Regie Abarquez, siyang pakay ng apat na warrant arrest personnel sa operasyon dakong 11:19 ng umaga.
Dagdag ni De Guzman, si Abarquez kasama ang kanyang tatlong kasamahan kabilang ang napatay na si alyas Awid ay pinaghahanap dahil sa nakabinbing criminal records para sa frustrated murder, gun-running activity at bilang mga kasapi ng contract killer na kumikilos sa lungsod at mga katabing bayan at barangay.
Ani De Guzman, apat na pulis na may hawak ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Hector De Asis-Buenaluz, Jr., Presiding Judge, 4th Judicial Region, Brach 103, Calamba City, ang naghain ng warrant sa hideout ni Abarquez sa liblib na bahagi ng Barangay San Cristobal.
Inaresto si Abarquez at akmang poposasan nang biglang sumulpot mula sa likuran ang tatlong lalaki kabilang si alyas Awid na armado ng maikling baril saka pinaputukan ang arresting officers, na nagresulta sa putukan.
Bagama’t sugatan at mas marami ang mga suspek, apat na operatiba ng pulisya ang nakaganti ng putok habang eksaktong dumating ang back-up reinforcement na pinamumunuan ni De Guzman sa lugar na nakatulong sa pagkakaligtas ng mga tauhan ng warrant of arrest personnel. (BOY PALATINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com