SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
KOMPORTABLE at magaan nang katrabaho para kay Angela Muji ang muli nilang pagtatambal ni Rabin Angeles sa Seducing Drake Palma ng Viva One.
Sa Thanksgiving presscon ng Seducing Drake Palma sinabi ng batang aktres na mas madali pang pakisamahan ngayon si Rabin na una niyang nakasama sa Ang Mutya ng Section E.
Mas kinikilig naman si Rabin kay Angela sa pagtatrabaho nila sa Seducing Drake Palma.
“Sa tagal na ng pagtatrabaho namin mas kinikilig na ako kay Angela. Ang maganda na kasi ng samahan namin. Sobrang natural na, na kahit anong project pa ang pagsamahan namin,” susog ni Rabin.
Nang matanong naman kung anong qualities ang nagustuhan niya sa kanyang katambal. Sinabi ni Rabin na, “sobrang maalaga si Angela. Talagang may paki-alam siya sa akin.”
“Very family oriented naman po siya and God fearing. So lahat po ng ginagawa niya inuuna po niya si God and ang family niya,” wika naman ni Angela.
At dahil ang tema ng Seducing Drake Palma ay ukol sa love at loyalty pinapili ang dalawa kung ano ang mahalaga sa kanila.
Unang sumagot si Angela at pinili ang love. Katwiran niya. “Sa akin po love. Kasi when you love someone loyalty comes next. Kumbaga it comes natural, kung mahal mo ang isang tao, automatic loyal ka na sa kanya.”
“Ako rin love,” sagot din ni Rabin. “Kapag love mo ang isang tao, matik (awtomatik) na nga naman na magiging loyal ako sa kanya.”
“Aanhin mo ang loyalty kung wala namang pagmamahal. Mas okey po ‘yung may feelings na nagpapakita ng pagmamahal,” dagdag pa ni Angela.
Sa kabilang banda, patuloy ang tagumpay ng Seducing Drake Palma. Mula sa pagiging Wattpadnovel na may mahigit 133 million reads, hanggang sa naging isang weekly series sa Viva One.
Mula nang ipalabas ito sa streaming platform noong Hunyo 2025, hindi na nawala sa listahan ng Top 10 Most Watched Series ang Seducing Drake Palma. Patuloy ding dumarami ang nahu-hook at nahuhulog sa kuwento nina Drake Palma at Alys Perez dahil matagumpay na naiparating ng serye ang kanilang love story, at mas pinalalawak pa nito ang fanbase na hindi mapigilang kiligin at sumubaybay linggo-linggo.
Dahil sa serye, mas dumami rin ang mga napamahal at naging followers ng mga bida nitong sina Rabin at Angela (RabGel). Sa kanilang natural na chemistry on-screen, mabilis silang naging isa sa mga breakout love teams ng 2025, at patuloy na sinusuportahan ng fans sa loob at labas ng serye.
Mula sa success ng Seducing Drake Palma at ng loveteam na RabGel, tuloy-tuloy na rin ang pag-usbong ng karera nina Rabin at Angela. Mula sa kaliwa’t kanang TV guestings, endorsements, at commercials, hanggang sa mga malalaking events, kapansin-pansin ang mabilis nilang pag-angat sa industriya.
Isa na rito ang Vivarkada FanCon and Concert na ginanap sa Araneta Coliseum, na kabilang ang RabGel sa mga loveteam na nag-headline at talaga namang inabangan ng kanilang mga tagahanga.
Asahan na mas marami pang aabangan mula kina Rabin at Angela. Magpapatuloy ang kuwento nina Drake at Alys sa book 2ng serye, na pinamagatang Dating Alys Perez, na ipapalabas din sa Viva One.
Bukod dito, mas lalo pang mapapalapit ang RabGel sa kanilang fans dahil nakatakda na ring ipalabas ang unang pelikulang pagbibidahan nina Rabin at Angela. Mula sa Viva Films at Studio Viva, malapit nang magpakilig sa big screen ang A Werewolf Boy, isang Philippine adaptation ng hit Korean fantasy-romance film na unang pinagbidahan nina Song Joong-Ki at Park Bo-young.
Kuwento ito ng isang dalagang lumipat sa probinsiya at nakilala ang isang misteryosong binata na hindi marunong magsalita at tila kumikilos na parang hayop. Aalagaan at tuturuan siyang mamuhay ng normal ng dalaga, at sa kanilang unti-unting paglalapit, panoorin kung paano nila haharapin ang mga pagsubok ng kanilang pagkakaiba.
Mula sa direksiyon ni Crisanto B. Aquino, na siya ring director ng Seducing Drake Palma,bibigyang–buhay nina Rabin at Angela ang mga karakter na minahal ng marami at magdaragdag ng Pinoy flavor at kilig sa isang kuwentong tumatak na sa puso ng mga manonood. Abangan ang A Werewolf Boy, na malapit nang ipalabas sa mga sinehan.
Ang supporting character at ka-love triangle ng RabGel sa serye na si Dylan Menor, na gumaganap bilang Tripp Marco Palma, ay patuloy na ring nakikilala. Mula sa pagiging third wheel sa Seducing Drake Palma, unti-unti na siyang nakikilala bilang isang promising young actor.
Siya rin ay nakatakdang mapanood, at ngayon bilang lead character, sa isa pang inaabangang Viva One series na Project Loki.
Sa pagtatapos ng Seducing Drake Palma series, isang taos-pusong pasasalamat ang nais iparating ng Viva One, ng RabGel, at ng buong cast sa lahat ng patuloy na kumapit at tumutok sa komplikado ngunit exciting at nakai-inlove na kuwento nina Drake at Alys.
Patuloy na tumutok dahil tiyak na marami pang pasabog at kilig ang inyong aabangan sa last episode. I-stream na ang Seducing Drake Palma, exclusively on Viva One.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com