ANG isa pang naliwanagan naman ng mga nababalitaan niya sa pork barrel scam eh, ang may bagong programa sa Kapatid Network na si Gelli de Belen.
Pero noon pa man daw, sa mga nakahalubilo na niyang sari-saring mukha ng buhay sa rati niyang palabas, nasisindak nga ang aktres sa mga natutuklasan niya.
“Sa buhay, natutuhan ko na, sino ako para magreklamo? Ang mga bisita ko sa ‘Face to Face’, kinakalakal nila ang katawan nila para mapakain ang anak nila. Pumapatol sila sa ‘di nila gusto kasi may pera at may matitirhan sila. Problema nila ang makakain ng tatlong beses isang araw. So, ‘pag ako naiinis, iniisip ko sila and I just move on.
“Napipikon ako sa pork barrel issue. Imagine, sana maginhawa at maayos ang buhay nila, mas marami silang opportunities, kung hindi ‘yon taken away or robbed from them? As it is, mahirap ang buhay. Hindi ka mabigyan ng pagkakataon.
“Education is so very important. Sa pamilya, kahit nahihirapan, kung pwede lang education ang unahin sa buhay ng bawat Filipino.
“Ibinenta mo ang katawan mo. Pero bakit? Paano, noong bata pa, hindi siya naturuan, hindi nakapag-aral. Saan siya pupunta? Paano siya kakain?
“Kailangan natin malaman ang buong story.”
At ‘yan na ang mga haharapin niyang muli sa kanyang bagong palabas. Ang magsalita rin sa mas makabuluhang mga isyu ng buhay.
Na ang participation ng mga manonood eh, ibibigay sa pamamagitan ng kanilang mga opinyon na ihahatag sa mga guest sa programa at sa hosts. (PILAR MATTEO)