GINANAP ang paglulunsad ng “Aklat ng Bayan” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Gusaling Watson, 1610 Kalye Jose P. Laurel, San Miguel, Lungsod ng Maynila. Ang okasyong ito ay tumatampok sa mga aklat at likha ng iba’t ibang lokal na alagad ng sining sa larangan ng panitikan.
Sinimulan ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Direktor Heneral ng KWF, ang paglulunsad ng Aklat ng Bayan. Ibinahagi niya ang mahalagang layunin ng pagdiriwang na ito—ang pagbibigay-halaga sa mga akda ng mga lokal na manunulat at editor.
Ayon kay Barrios-Taran, ang kaganapang ito ay pagkakataon upang marinig ang mga pananaw at karanasan ng mga awtor at editor tungkol sa pag-iimbak ng karunungan sa iba’t ibang disiplina gamit ang Filipino bilang wika ng pagsulat at pananaliksik. Hinikayat din niya ang lahat na magpatuloy sa pagpapayaman ng kamalayan ng mga Pilipinong mambabasa.
Nagbigay rin ng mensahe si Komisyoner Arthur P. Casanova, PhD, Pangulo ng KWF. Ipinahayag niya ang kanyang adhikaing maglimbag ng mas maraming diksyunaryong trilengguwal, pati na rin mga diksyunaryo sa mga araling panlipunan at iba pang larangan. Ayon kay Casanova, ito ay hakbang tungo sa higit na intelektwalisasyon ng wikang pambansa.
Idinagdag niya ang kanyang pangarap na magamit ng mga guro at propesor ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, gayundin ang pagpapayaman ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Casanova ang kahalagahan ng pangangalap ng karunungang bayan, at mga akdang sining at pang-kultura upang mag-ambag sa preserbasyon ng kulturang Pilipino. Pinaabot din niya ang kanyang hangarin para sa kabataan na ipagmalaki ang mayamang kultura, wika, at panitikan ng lahing Pilipino.
Book Signing ng mga Awtor at Editor
Kabilang sa okasyon ang book signing ng mga bagong aklat ng mga iginagalang na manunulat at editor. Tampok dito ang:
- Ang Berdugo at mga Piling Kwento, isinalin ni Aileen V. Sicat, awtor, Honoré de Balzac,
- Maka-Pilipinong Pananaw: Mga Lapit sa Pagtuturo ng Panitikan, ni Ginoong Alvin B. Yapan
- Kalipunan ng mga Akdang Dulang Mindanawon, likha nina Ginoong Arthur P. Casanova, PhD, Felimon B. Blanco, Rene V. Carbayas, Angelito G. Flores, Arnel M. Mordoquio, Sunnie C. Noel, at Pepito P. Sumayan, editor: Arthur P. Casanova
Kasama rin sa mga inilunsad na aklat ang:
- Bokabularyong Traylingguwal: English-Hiligaynon-Filipino, leksikograpo, Agnes Dimzon at editor, Alain Dimzon
- Tandang Bato: Ang mga Manunulat sa Aking Panahon, ni Efren R. Abueg
- Pagdiriwang sa Haraya: Ang Panulaan at mga Aklat ng Impormasyon para sa mga Bata, ni Eugene Y. Evasco
- Mga Meditasyon hinggil sa Unang Pilosopiya, ni René Descartes, isinalin ni Emmanuel C. de Leon
- Margosatubig, ni Ramon L. Muzones, isinalin ni Agnes Dimzon
Ang paglulunsad ng mga publikasyon ay ipinapaabot ng KWF bilang paraan ng pagtatanghal ng kakayahan ng wikang Filipino sa malikhain at intelektuwal na gawain. (Mark John R. Arrojado, MCP)