HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA ang sinasabi namin noong una pa, mababaliktad iyang si Sandro Muhlach. Ngayon ano ang sinasabi ng dalawang baklang inaakusahan niya ng panghahalay?
Gamit ang mismong medico legal report mula sa PNP, wala raw silang nakitang lacerations o sugat sa mga pribadong bahagi ni Sandro na siyang karaniwan kung iyon ay pinasukan ng matigas na bagay nang puwersahan. Noon din daw suriin nila si Sandro wala silang nakitang bakas ng trauma. May inilabas pa silang drug test na nagsasabing negatibo si Sandro, na kumokontra sa sinabi niyon na may ipinasinghot sa kanyang puting pulbos at pagkatapos ay nanghina na siya.
Pagmamatuwid pa ng dalawang bakla, malaking lalaki si Sandro. Six footer at sa salaysay niya ay lasing na lasing na si Dode Cruz nang madatnan niya sa kuwarto. Maliit na tao naman at bakla pa si Jojo Nones, paano siyang mapipilit ng mga iyon? Dalawang ulit pa raw pumasok ang room service sa kanilang kuwarto noong nagdala ng kanilang order at noong nagbayad sila, bakit walang nakita iyong kahina-hinala?
Nakaka-text pa raw ni Sandro ang isa niyang kaibigan at nakausap pa niya sa cell phone ang syota niyang si Shannelle Agustin habang nasa kuwarto siya ng dalawa, bakit hindi siya nakahingi ng tulong kung inaabuso nga siya? Walang duda, magaling ang abogado ng dalawang bakla at siguro nga nahasa na sa ganyang kaso dahil siya rin ang abogado ni Vhong Navarro noon nagdemanda ng rape si Deniece Cornejo at maaaring marami pang ibang kasong ganyan ang nahawakan niya.
In the end, baka mabaliktad si Sandro, kasuhan pa siya ng paninirang puri at perjury at siya pa ang makulong. Sa korte hindi pinag-uusapan kung ano ang totoo, kundi ang nakalatag na ebidensiya. Kaya nga ayaw ng abogado ng dalawa ang imbestigasyon sa senado eh, kasi doon pipigain kang magsabi ng totoo.
Nakaligtas si Dode dahil pagkatapos ng isang hearing nagpa-confine na sa ospital dahil daw sa anxiety. Si Nones naman ay tumangging sumagot hanggang sa na-contempt na nga. Ngayon sa korte ang utak ng abogado na nila ang gumagana. Malamang maligtas iyang dalawang iyan at ang nakatatakot baka mabaliktad pa si Sandro. Ganoon din naman ang kaso ni Gerald Santos, hindi kumikibo at nagbibigay ng statement si Danny Tan, ang problema roon ay bakit hindi siya nagsampa ng demanda agad at naghintay pa ng mahabang panahon. Ang pag-asa niya ay madagdagan pa ang magsasabing hinalay din sila ni Tan at hindi nakapag-reklamo noon. Kung hindi, “sexual harassment pa more.”