HATAWAN
ni Ed de Leon
BUONG industriya ang nagpahayag ng kalungkutan sa pagpanaw ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films. Totoo namang marami siyang napasikat na mga artista na nagkaroon ng magandang buhay dahil sa kanya. Marami ring mga tekniko na nagkaroon ng trabaho dahil sa mga pelikula niya at nanatili siyang nag-iisang gumagawa pa rin ng pelikula sa kabila ng slump para huwag mawalan ng trabaho ang mga manggagawa sa industriya.
Bukod diyan, marami pa siyang nagawang tulong sa mga tao sa industriyang ito. Ang magandang halimbawa na nga si Vilma Santos, na noong panahong bumagsak ang kanyang negosyo at nabaon sa utang sa banko at sa BIR dahil sa nangyaring mismanagement ng kanyang finances, isa ang Regal sa tumulong sa kanya katuwang din ang Viva para mapanagutan ang lahat ng kanyang mga problema.
Pero nakalulungkot lang dahil sa panahon ng pagdadalamhati dahil sa magkasunod na kamatayan nina Father Remy Monteverde at Mother Lily ay may lumalabas pang hindi magagandang usapan. Inaakusahan pa sila ng unfair labor practice ng iba na tinulungan nga nila in the past. Totoo naman na noong araw ay naging usapan ang minsan ay pagka-delay ng bayad ng Regal sa mga talent fee. O ang pagbabayad ng post dated checks na napakatagal bago nila mai-cash. Pero nangyayari naman iyan sa kahit na sinong negosyante, gaya nga ng Regal na noon ay napakaraming pelikula na hindi naman nailalabas agad sa sinehan at kung mailabas man hindi rin naman sila agad nakasisingil ng kanilang film share sa sinehan. Kaya kung minsan kahit na gaanong laki ng puhunan mo kinakapos ka rin at kailangan mo ngang mag-delay din ng pagbabayad. Karaniwan pang reklamo nila ang hindi masarap na pagkain sa shooting. Hindi naman ang producer ang nagluluto ng pagkai kundi mga contractor din na binabayaran lamang nila. Hindi rin naman sila nagkakaroon ng pagkakataong mai-check ang mga bagay na iyon. Actually iyong mga tauhan nila sa set ang dapat sanang nag-aasikaso niyon. Mayroon pang nagsabi nagalit daw si Mother sa kanya noon at binato siya ng telepono. Maaaring nadala lamang siya ng silakbo ng galit pero wala naman ang intensiyon na manakit. Kung mayroon bakit telepono lang ang ihahagis sa kanya?
But those are things of the past. Hindi naman santo si Mother at sa totoo lang mas marami naman ang mabuting ginawa niya para sa kanyang mga manggagawa. Maski na noong panahong tagilid ang kita ng mga pelikula hindi siya tumigil alang-alang sa kanyang mga artista at manggagawa sa kanyang mga pelikula.
Maraming producers ang tumigil na lang pero si Mother ay nagpatuloy alang-alang sa pamilya ng mga manggagawa. Iyon bang mga bagay na iyon ay hindi mabuti?
Marami ring mga artista na wala nang career pero binibigyan pa niya ng pag-asa. Marami ring baguhan na nabigyan niya ng career sa industriya. Maraming mga kompanya ng pelikulang nagsisimula na tinulungan din niya at ni hindi inisip na isang araw ay makakalaban niya ang mga iyon. Palibhasa nga ay isang movie fan, matindi ang simpatiya niya sa mga taga-pelikula.
Hindi naman big time agad ang Regal bagama’t si Mother ay galing sa isang mayamang pamilyang Chino noong una pa lang. Nagsikap siya para umunlad ang buhay at negosyo. Ipinagmamalaki ni Mother ang pagsisikap niya noong una pati na ang pagtitinda ng popcorn sa sinehan, na nang malaunan ay nabili niya. Inamin din niyang kailangan niyang manghiram ng pera sa kapatid niyang si Jessie para makabili ng mga pelikulang re-issue sa Hongkong at maipalabas sa mga sinehan dito sa PIlipinas. Natiyempuhan niya ang pelikulang All Mine To Give, na nakagawa ng box office history noong panahong iyon at doon nagsimulang lumaki ang Regal. Matagumpay na silang film distributor noon at may-ari ng ilang sinehan sa Maynila, ang pasukin nila ang produksiyon ng local na pelikula. Nagtagumpay sila sa local films at naiwan na ang film distribution.
May panahong nagkaroon din ng problema sa industriya ng pelikulang local at nadamay din naman ang Regal at dahil doon kaya sinasabi ng ilan na may mga unfair labor practices. Pero sino ba ang nagreklamo noong panahong iyon na alam naman nila ang problema at pasalamat nga sila na hindi tumigil si Mother?
Ngayon simula na naman ng panibagong panahon sa industriya, ano nga kaya ang mangyayari ngayong wala na si Mother?