HATAWAN
ni Ed de Leon
MALUNGKOT na sinalubong ng industriya ng pelikula ang balita ng kamatayan ni Leonardo Remy Monteverde, ang asawa ng Regal owner na si Mother Lily. Bagama’t si Mother ang madalas na humaharap sa mga artista at media, si Father Remy naman ang humaharap sa mga lider ng industriya.
Kung hindi kami nagkakamali isa siya sa founding members ng IMPIDAP, ang samahan ng mga independent film producers, na hindi kasapi sa naunang PMPPA. At bilang siyang may pinakamalaking kompanya sa hanay ng mga independent, siya ang kinilalang lider nila.
Si Father Remy ay isa rin sa mga namuno ng Film Anti Piracy Council ang samahan ng mga taga-industriya na lumalaban sa film piracy. Bagama’t sila ay isang pribadong grupo at walang police powers nagsasampa naman sila ng demanda laban sa mga nahuhuli nilang mga film pirate. Sila ang naging citizens’ arm ng Optical Media Board. Maganda sana ang nangyayaring ganyan pero dahil sa kakulangan ng pondo hindi nila magawa ang isang malawakang kilos laban sa mga film pirate.
Madalas si Father Remy din ang nilalapitan ng mga maliliit na producers na nahihirapang makakuha ng playdate ng pelikula nila sa mga sinehan. Kung may duda kasi ang mga sinehan kung kikita ba ang pelikula, iniiwasan na nilang i-book iyon. Una, hindi sila nakasisiguro kung makababayad iyon ng itinakdang minimum guarantee ng isang sinehan kung hindi iyon kumita. Pero dahil ang guarantor nga nila ay ang Regal at si Father Remy nakakukuha sila ng sinehan para sa kanilang pelikula. Si Father sabi nila ay isang negosyante na tumutulong pa sa kanyang mga kakompitensiya kaya naman napakataas ng paggalang nila sa kanya.
Sinasabi nga nila ngayon na ang pagyao ni Father Remy sa edad na 86 ay isang matinding dagok sa industriya ng pelikula, lalo na para sa mga independent producers at distributors ng pelikula.