HATAWAN
ni Ed de Leon
KITANG-KITA naman sa kanilang video ang napakaraming mga taong nanonood sa shooting nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa Canada. Natural naman napakaraming Filipino sa Canada at tiyak na sabik din silang makakita ng mga artistang Filipino. Hindi gaya noong araw na ang kilala lang nila ay iyong mga matatandang artista, iyong sikat noong sila ay umalis sa Pilipinas. Ngayon updated na sila kung sino ang sikat, kasi nga napapanood na nila ang lahat ng palabas natin sa telebisyon sa pamamagitan ng TFC . Iyon namang GMA ay mayroon na ring GMA PInoy TV.
Usually iyan naman ay ibinibigay bilang package ng mga cable provider sa abroad. Kaya ang mga Pinoy, napapanood ang dalawang malaking channels noon. Dito sa atin sarado na ang ABS-CBN dahil wala na nga silang prangkisa pero sa abroad tuloy ang TFC kaya nga panay din ang gawa nila ng content dahil kailangan iyon ng mga subscriber ng TFC at dito naman ay nakakapag-blocktime sila sa ibang mga estasyon.
Isa pa talagang malakas naman ang tambalan nina Kathryn at Alden kahit na nga noong may KathNielpa at may AlDub. Ewan kug bakit tila mas nagustuhan nila ang chemistry nina Kathryn at Alden kaya nga gumagawa sila ng sequel ng pelikula nila ngayon.
Iyan daw ay ipalalabas sa November. Ibig sabihin, hindi kasali sa festival. Tamang diskarte iyan dahil kung sa tingin mo ay malakas talaga ang pelikula mo, hindi mo isasabay sa festival na napakarami mong kalaban, at kung kailan limitado ang sinehan mo sa simula. Eh kung walang festival, kahit na mahigit 200 sinehan ang kunin mo puwede. Walang aangal.
May nagtatanong sa amin, bakit daw kailangang ipalabas ang pelikula ng sabay-sabay sa maraming sinehan ganoong maaari namang sa ilang sinehan lang basta extended ang playdate.
Simple lang po ang sagot diyan, kaya inilalabas nila sa mas maraming sinehan agad dahil nakikipag-unahan sila sa mga pirata. Kung mapirata na nga naman ang pelikula nila hindi na kikita iyan nang malaki, may pirated na eh. Kung simultaneous sila kahit na sa 200 sinehan mas maraming makakapanood agad bago pa mapirata ang kanilang pelikula. Isa pa hindi naman nila kailangan ang isang kopya ng pelikula sa bawat sinehan. Nilalagari lang naman nila ang kopya ng isang pelikula sa bawat tatlong sinehan. Mas pakikinabangan pa nga naman ang kopya.
Hindi na tayo kagaya noong araw na tumatagal ng isang buwan o higit pa ang pelikula sa sinehan ngayon. Hindi na ganoon dahil napakatindi na ng piracy sa ating bansa at matagal na kaming walang naririnig na nahuhuling pirata. Kasi wala nang DVD, sa ngayon ang sistema ng mga pirata magdadala ka ng flash drive mo at kakargahan nila ng walong pelikulang mapipili mula sa kanilang maraming downloaded movies at ang bayad ay P100 lang sa bawat walong pelikula.
Hindi mo sila mahuli dahil hindi mo naman nakikita ang downloading nila. Kunwari may ginagawa silang mga research at iyon ang makikita mo sa monitor. Hindi mo alam may nakakabit na flash drive sa CPU at gumagawa na ng kopya. Mabilis din ang pagkopya nila ng pelikula ngayon.
Hindi gaya noon na kung gaano kahaba ang pelikula ganoon din katagal ang paggawa ng kopya. Ngayon hindi eh ida-download nila. Segundo lang ang bilang at tapos na ang isang pelikula. Kung gusto ninyong mabuhay talaga ang industriya ng pelikula dahil malaki ang kinikitang tax ng gobyerno riyan, habulin ninyo iyang mga pirata.