Sunday , December 22 2024
Sharon Cuneta

Sharon wrong move sa balik-serye

HATAWAN
ni Ed de Leon

MAGBABALIK daw si Sharon Cuneta sa ABS-CBN at gagawa ng isang serye? Wrong move iyan sa aming palagay. 

Natatandaan namin noong araw, kung paanong nakipagtulungan ang kanyang home film company, ang Viva nang unang pumasok sa tv si Sharon sa IBC 13 noon. Ang kanyang manager noon na si Mina Aragon ay personal na nagkakampanya pa na panoorin ang show ni Sharon.

Nang sabihin namin na ang telebisyon ay kalaban ng pelikula at maaaring maapektuhan ang matagumpay na film career ni Sharon, sabi ni Boss Mina, “hindi iyan.” 

Kasi nga ang show ni Sharon ay isang musical variety at ang mapo-promote roon ay ang husay niya bilang isang singer, bukod doon magkakaroon siya ng pagkakataong mas makalapit sa masa. Ang natatandaan naming sinabi niya, “basta hindi niya gagawin sa tv kung ano ang ginagawa niya sa pelikula okey iyan.”

At sino naman ang makakakuwestiyon sa kaalaman ni Mina pagdating sa showbusiness?

Noong mawala na si Mina, kung ano-ano na ang nangyari kay Sharon. Iniwan niya ang isang magandang musical variety show niya noong araw, at sumama sa kanyang asawa sa abroad na nag-aaral pa noon. 

Investment iyon sa pamilya eh kaya ok lang iyon. Ang masakit nang magbalik si Sharon, nakapasok na ang ibang mga mas batang artista na siyang tinitilian ng audience. Ang lakas bigla ni Judy Ann Santos, katapat ni Claudine Barretto.

Hindi na nakabalik ang musical variety show ni Sharon, dahil sa palagay noon ng ABS-CBN masyadong magastos ang production. Sa halip binigyan siya ng isang talk show, na hindi naman umangat. Noon pumasok ang TV5. Nagprisinta sa kanya ng mga magagandang plano bukod pa sa talent fee na P1-B sa loob ng limang taon. Lumipat si Sharon. Binigyan naman siya ng isa ring talk show na may halong musical numbers. 

Tapos binigyan pa siya ng isang serye kasama si Jay Manalo at matindi iyon dahil ang director pa niyon ay si Joel Lamangan. Pero si Sharon ay hindi kasinggaling ni Joel sa comedy, talo ni Rhoda (karakter ni direk Joel sa Batang Quiapo) sa pagpapatawa ang Madam Chairman. Hindi nakatulong iyon kay Sharon. Bukod doon, parang nabantilawan pa ang kanyang film career. 

Tumakbo na naman ang malikot na isip ng mga adviser ng megastar, aaminin ba nila na humina si Sharon dahil sa mahigit na isang taon niyang absence? Aaminin ba nilang nagkamali si Sharon nang hindi siya nakinig sa mga nagsabi sa kanyang mayayari ang kanyang career kung isang taon siyang magbo-Bona sa asawa niyang nag-aaral? Siyempre hindi. Sinabi nila na hindi nagawa ng TV5 kung ano ang inaasahan nila. Nagbalik siya sa ABS-CBN na marami ring plano para sa kanya pero lalong walang nangyari dahil ginawa lamang siyang juror sa kanilang singing contest. 

Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong muling maipakita ang kanyang talents. Naging parang papayang inatsara ang kanyang career. Gumawa siya ng mga plaka at the time na halos bagsak na ang music industry, tapos ang ginawa pa niyang mga kanta, bagay naman sa kanya pero hindi pang masa. Wala siyang naging hit dagok na naman iyon sa kanyang career. Nagbalik siya sa mga pelikula sa Star Cinema. 

Itinambal siya kay Robin Padilla na nakasama niya sa kanyang highest grossing film noong araw, pero mahina na rin ang aktor/senador noon na naapekuhan din ng kanyang absence dahil sa tatlong taong pagkakulong, mahina ang pelikula. 

Gumawa rin siya ng pelikula kasama si Richard Gomez. Mali eh kasi love story na naman iyon. Sino ba ang maniniwala sa love story nila eh alam na alam naman ng mga tao na in love na in love si Goma sa kanyang asawang si Mayor Lucy Torres. Sira na naman ang idea. Ang isa sa pinaka-malaking pagkakamali ni Sharon isipin ninyong megastar ka ha, tapos gagawa ka ng pelikulang bold na ang director ay si Darryl Yap? Kung noong panahon iyan ni Boss Mina, hindi iyon papayag na isang baguhang director ang hahawak sa pelikula ni Sharon at lalong hindi iyon papayag na lumabas siya sa role ng isang cougar na nagkagusto sa mas batang si Marco Gumabao na ang tanging dahilan ay, “ang laki-laki.”

Roon sa pelikulang iyon pinatanda nila si Sharon. Isipin na lang ninyo si Vilma Santos, 70 pero ang role na ginagawa ay medyo bata pa rin ang age. Tapos si Sharon na mahigit 50 lang gagawa ng pelikula na “cougar” ang kanyang role? Tapos nasa internet streaming na lang bagsak pa ang viewership at tinalo pa ng pelikula ni Angeli Khang. Kasi naman mali ang market. Halimbawa ang paninda mo ay karne ng baka dadalhin mo ba iyon sa fishport sa Navotas na ang hinahanap ng mga tao ay isda? I mean ilalabas mo ba si Sharon sa Vivamax na ang hinahanap ng mga nanonood ay palabas na sexy, tapos papasok ka na magpapatawa, isang character pang matrona na out of place sa kuwento? Wala ngang mangyayari kasi maling market.

Ngayon papasok na naman siya sa isang serye? Palagay namin maling move iyan. Kasi nga si Sharon ay sumikat at nakilala bilang isang film star hindi siya pang-tv lang. Hindi siya maaaring makipagkompitensiya ngayon sa TV. Matatapatan ba niya iyong Batang Quiapo? Matatapatan ba niya iyong mga istorya ng nag-aagawan ng asawa? Kaya ba niya kung ang itapat sa kanya ay Encantadia o isang remake ng Marimar

Kawawa naman si Sharon kung puro maling project ang mapapasukan.  At more than 50 dapat na klasiko ang kanyang pinapasukan. Ito ang panahon na dapat pinag-uusapan na ang kanyang legacy. Dapat sa panahong ito isa na siya sa mga pinag-uusapan para maging national artist din. Pero hindi eh, serye sa tv na hindi pa natin alam kung ano ang gagawin niya.

Kung papasok na muli si Sharon sa telebisyon dapat ay iyong medyo upscale na musical show kagaya ng An Evening with PIlita noong araw, o iyong Carmen on Camera. Kung gagawa siya ng serye, paano niya lalabanan ang mga awayan nina Rhoda at Tindeng? Paano niya sasabayan ang medyo seksing dating ni Sanya Lopez?

Maliban siguro kung gagawa siya ng serye na ang leading man ay si Gabby Concepcion baka sakali pa.

About Ed de Leon

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …