HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY nagtatanong sa amin ano raw ba sa aming palagay at bagsak na naman ang mga pelikulang Filipino noong Miyerkoles?
Ang sagot namin diyan ay simple lang walang box office stars na bida sa mga pelikulang iyon. Iba talaga iyong box office stars, sila iyong nagbabayad ang tao sa takilya para mapanood lamang sila. Hindi sila iyong pinanonood lang at isang click lang ng remote ay napalitan na. Iba ang artista sa tv soaps at sa pelikula. Tingnan ninyo sa America iba ang stars nila na lumalabas sa telebisyon at iba ang sa pelikula. Kung napapanood ka na ba sa tv araw at gabi, ng libre ha, ano ang gagawin mo sa pelikula na kailangan pa ng taong magbayad para makita?
Para rin iyan noong araw. Usong-uso sa mga kabataaan noon ang larong text, sa probinsiya ang tawag doon ay pitik. Kasi iyon ay maliliit na cardboards na ang drawing ay parang iyong mga kuwento sa comics at sa pelikula. May kanya-kanya kayong pato pipitikin iyon at kung sino ang bumagsak na nakatihaya ang card siyang panalo. Tandang –tanda namin noon mas mahal iyong mga text na ang drawing ay The Longest Day. Kasi kung makukompleto mo ang seryeng iyon para mo na ring napanood iyong pelikulang The Longest Day, kasi alam mo na ang kuwento.
Ganyan din naman ang pelikula. Kung ang ginagawa mong pelikula ay predictable ang kuwento dahil ang mga writer ay nagsusulat din sa telebisyon, at ang artista o may artista rin sa telebisyon, walang magbabayad para panoorin ang iyong pelikula. Mayroon nga na habang nanonood ng sine ikinukuwento na sa kasama kung ano ang mangyayaring kasunod. Kasi nga vey predictable ang mga kuwento, at ang Filipino mahilig sa ganyan, hinuhulaan nila ang kasunod na mangayayari sa kuwento.
Kaya ang mga pelikula mag-o-open sa mga sinehan ng Miyerkoles, Huwebes may ka-slide screening na, pagdating ng Lunes pull out na hindi na rin mapanood ng libre ng mga senior citizen. Kaya nga noong panahon ni Liza Dino sa FDCP (Film Development Council of the Philippines) nagkaroon ng panukala na gawing Biyernes ang opening ng mga pelikula dahil hindi man kumita, aabutin sila ng Weekend sa sinehan, baka sakali nga naman. Pero siyempre ayaw naman ng mga may-ari ng sinehan dahil kaya nga gusto nila ng Miyerkoles malalaman na nila kung may pag-asa ba ang pelikula o wala. Para pagdating naman ng weekend na maraming taong mas manonood ng sine, mga pelikulang gusto na ng tao ang palabas nila. At saka huwag na tayong magkunwari pa nakikita naman natin ang kalidad ng mga pelikula natin ngayon kung ikukompara mo sa mga pelikula natin noong araw. Noon ang daming pelikulang naging classics, ngayon ang daming pelikulang amateur na amateur ang dating. Pero iyong mga direktor kung magkuwento sa mga press conference nila akala mo ang galing-galing na gumawa ng pelikula.
Aba eh kung ikukompara mo sa mga director ngayon ni hindi natin kilala, walang laban ang mga iyan kina Rico Mambo, Victor Tanggo, o lalo na kay Mike Relon Makiling. Iyang mga taong ganyan ang dapat na kilalaning National Artists dahil ang kanilang art ay nagugustuhan ng mga tao eh kung ang art mo ay hindi naman appreciated walang nanonood sa iyo, sabihin mang national artist ka, ang tanong ay saan? Saang five continents iyon?