HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATUTUWA naman ang nabalitaan namin na tuwang-tuwa raw ang fans kay Julia Barretto sa Indonesia dahil nagsasalita iyon ng Bahasa. Para sa mga taga-Indonesia basta ang isang tao ay marunong ng kanilang wika gusto nila. Hindi ba si Teejay Marquez din kaya sumikat sa Indonesia nang husto ay dahil napag-aralan niya ang salitang Bahasa.
Ang pagkakamali ni Teejay, sikat na siya sa Indonesia, umuwi pa siya rito sa PIlipinas, nakulong siya ng pandemic at hindi na nagawa ang mga proyektong dapat ay nagawa niya sa Indonesia. Medyo lumamig ang popularidad niya roon dahil matagal nga siyang nawala, pero mas ok siya roon kaysa naman sa mga ginagawa niyang gay themed movies dito sa atin na hindi naman maipalabas sa sinehan. Iyong pelikula nga niyang nailabas ng ilang araw lang last week, mga limang taon nang naka-imbak ang pelikulang iyan na ang producer ay ang dati niyang manager at isang manufacturer ng underwear. Hindi rin naman nag-click.
Kaya iyang si Julia, kung totoo ngang nagustuhan siya ng fans sa Indonesia, hindi kaya niya naisip na roon na muna siya lumagi, kasi tiyak doon superstar ang dating niya higit siyang maganda kaysa mga artistang naroroon. Makakukuha siya ng isang malakas na leading man baka nga mas maging malaking star siya roon kaysa rito.
Rito kasi sa atin, ang dami niyang kalabang mahuhusay at isa pa hindi maiiwasang ikompara siya sa mga tiyahin niyang mas sumikat at mas magaling kaysa kanya.
Kung kami si Julia siguro iisipin na naming sa Indonesia na muna kami.