SA GITNA ng pagdiriwang ng National Information and Communications Technology (ICT) Month, patuloy na isinusulong ni Gatchalian ang digital transformation ng sektor ng edukasyon sa bansa.
Nakasaad ang panukala ni Gatchalian sa Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383) na nakaayon din sa mandato ng Republic Act No. 10929 o Free Internet Access in Public Places Act. Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng pampublikong Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa pagtalakay ng 2023 national budget noong nakaraang taon, pinuna ni Gatchalian na 1.8% lamang o 860 sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may free public Wi-Fi batay sa naitalang datos ng Free Public Wi-Fi Dashboard noong Setyembre 2, 2022.
Binigyang diin din ni Gatchalian kung paano mas nakapinsala ang digital divide sa mga nangangailangang mag-aaral sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2021, 40% lamang ng mga low-income households ang may access sa internet. Lumabas din sa naturang survey na 95.%% ng mga sambahayang ito ang gumamit ng mga papel na modules at learning materials.
Upang mapabilis ang pagpapatayo ng pambansang imprastraktura para sa ICT, iminamandato rin ng panukalang batas sa National Telecommunications Commission (NTC) na tukuyin ang mga lokasyon para sa pagpapatayo ng mga telecommunications tower sites, kung saan bibigyang prayoridad ang mga lugar na hindi pa konektado sa internet.
Imamandato naman ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan na paigtingin ang kakayahan ng mga ito pagdating sa ICT at pagpapatupad ng distance learning. Upang gawing moderno ang tradisyunal na pagtuturo at pag-aaral at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution, tutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) ang DepEd at DICT sa paggamit ng agham, teknolohiya, at innovation.
“Matapos ang karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya, nakita nating hindi na natin maaaring ipagpaliban pa ang modernisasyon at digitalization sa sektor ng edukasyon upang walang mag-aaral ang mapag-iiwanan. Patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas upang palawakin ang paggamit ng teknolohiya sa ating mga paaralan upang matiyak ang patuloy na edukasyon sa lahat sa gitna ng mga krisis,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education
Inihain din ni Gatchalian ang iba pang mga panukalang batas na may kinalaman sa digitalization para sa sektor ng edukasyon tulad ng Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474). (NIÑO ACLAN)