SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“GUSTO ko na ngang magkaapo! Gusto ko na talagang magkaapo, 50 na ako, eh!” Ito ang nakangiting sabi ni Sylvia Sanchez nang makahuntahan namin sa pagbubukas at ribbon cutting ng ikalawang sangay ng Limbaga 77sa Level 1, Garden Restaurants, Trinoma, Quezon City.
Nasabi ito ni Sylvia sa amin dahil natanong ito kung gusto na rin bang magka-apo mula sa mga anak na sina Congressman Arjo Atayde at Ria Atayde.
At hindi nga itinago ni Sylvia ang excitement sa kagustuhang magkaapo.
Ipinagmalaki rin ng magaling na aktres na may nga nabili na siyang mga gamit ng sanggol.
Malapit na rin naman kasing ikasal si Arjo sa kanyang fiancée na si Maine Mendoza at nagsisimula pa lang ang relasyon nina Ria at Zanjoe Marudo.
“Happy ako dahil happy din ang mga anak ko!” ani Sylvia.
“Excited ako sa maraming bagay na huwag na nating pag-usapan! Kung ano man ‘yun, excited na ako, huwag niyo na akong tanungin. Kasi baka ako ang magbuking! Ha-hahahaha!”
Natanong din si Ibyang (tawag kay Sylvia) kung nag-seminar na ba sina Arjo at Maine kamakailan bilang paghahanda sa kanilang kasal? “Ay, zipper ako riyan! Sa kanila ‘yan!” sagot ni Sylvia at iminuwestra ang pagsasara ng bibig.
Tinanong din si Sylvia kung excited na siyang maging lola, “Ay! Gusto ko na ngang magkaapo! Gusto ko na talagang magkaapo, 50 na ako, eh.
“Kasi, may usapan kami noon ng mga anak ko, ‘Huwag niyo akong bigyan ng apo kapag hindi pa ako 50. Gusto ko, 50 years old, bigyan niyo na ako ng apo.’
“Magagalit na ako sa mga anak ko! Hindi nga natin alam kung aabot tayo ng 60. Hindi natin alam ang buhay natin, ‘di ba? So, ‘yun ang usapan namin, ‘pag 50, gusto ko nang magkaapo.
“Pero hindi ko sila minamadali. Kasi buhay nila ‘yan. Gusto ko i-enjoy nila ‘yung buhay nila together.
“Pero ang akin is, maghihintay ako. Basta ready na ako. In fact, mayroon na nga akong mga nabili! Ha-hahahaha!” pagbubuking ni Ibyang sa sarili.
Kasama ni Sylvia sa pasinaya ng Limbaga 77 si Diego Loyzaga at pagkaraan ay dumating si Julia Barretto. Ang Limbaga 77 ay pag-aari ng movie producer na si Rex Tiri (T-Rex Entertainment).
At dahil magaling ding magluto si Sylvia natanong ito kung ipapasa ba niya kay Maine ang mga recipe niya?
“Definitely, definitely. Kaya ‘yung mga recipe ko, hindi ko talaga isine-share sa mga friend ko. Ang daming nanghihingi kapag nagpo-post ako na nagluluto, ‘I’m sorry. Lutuan ko na lang kayo, sabihin niyo sa akin!’”
At dahil hindi na napapanood ngayon si Sylvia sa anumang serye o pelikula, nilinaw nitong hindi pa rin iiwan ang pag-arte. Busy lang siya sa pagpo-produce.
“Hindi ko iiwanan ‘yun (pag-arte) at never kong iiwanan ‘yun! Medyo ano lang ngayon, marami nang ginagawa.
“‘Di ba, sa district ni Arjo, tumutulong din ako sa mga constituent niya. So, naka-focus ako ngayon doon, at saka sa pagpo-produce ng movies, series, at concerts,” pagbabahagi pa ni Ibyang.
Ilan sa mga signature house-specials ng Limbaga 77 ay ang kanilang stuffed laing, kare-kare, baked lechon paksiw, stuffed bulaklak ng kalabasa, bihon gambas, at adobong tadyang ng baka.