KUNG NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa mga Filipino na magbayad ng buwis sa tamang oras upang matulungan ang bansa sa pagbangon ng ekonomiya, sinabi ng anti-martial law group na dapat habulin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pamilya Marcos, na napatunayang tax evader ng Korte Suprema.
“I encourage the public to pay the correct amount of taxes on time to support the country’s economic recovery and expansion so critical in this time,” sabi ng Pangulo sa 2023 National Tax Campaign Kickoff ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“It is my confidence that you will continue to cooperate, collaborate, and coordinate with the government on how to improve the experience of our tax collection system,” dagdag niya.
Sinabi ni Marcos, ang BIR ay matatag at determinado sa paggawa ng makabagong mga serbisyo at pagtataas ng mga karanasan ng ating mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng maaasahan, scalable, matatag, napapanatiling teknolohiya, at impraestruktura para sa koleksiyon ng buwis ng bansa.
Para sa grupo ng biktima ng karapatang pantao at Martial Law na Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA), kung tunay na seryoso ang BIR sa paghabol sa mga tax evader, dapat nitong singilin ang Pangulo at ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagpapatupad ang desisyon ng Korte Suprema sa ari-arian ni Marcos.
“CARMMA strongly reminds the BIR that its commitment is with the people and this is its biggest chance to prove that the agency shall not spare a single tax evader from paying his/her fair share of taxes,” anang grupo sa isang kalatas.
Samantala, naniniwala si FM Jr., makatuwiran ang panukala ni Albay Representative Joey Salceda na palawakin ang pagpataw ng luxury tax.
“Well, I think because right now the tax on luxury goods only covers very specific items. And luxury goods, as those who have put in some study on these know, hindi nagbabago ang demand niyan kahit anong sitwasyon,” paliwanag niya.
“For the rest of us, who are not necessarily consumers of luxury goods ay ramdam natin kapag bumagsak ang ekonomiya, ngunit kung titingnan ninyo, ‘yung mga luxury items, ‘yung mga magarang kotse, ‘yung mga designer na damit at saka mga bag, lahat, hindi nagbabago ang presyo niyan dahil may kaya ang mga bumibili. So palagay ko naman, it’s reasonable that we will tax the consumption side of those who are consuming luxury items,” aniya.
Iminungkahi ni Salceda ang “Louis Vuitton tax” matapos ipakita ng non-profit group na Oxfam International’s Survival of the Richest Report na siyam na pinakamayayamang Filipino ang may higit na kayamanan kaysa pinakamababang kalahati (55 milyon) ng populasyon.
Naniniwala ang mambabatas, ang mga karagdagang buwis ay maaaring makalikom ng hindi bababa sa P12.4 bilyong halaga ng mga kita para sa gobyerno. (ROSE NOVENARIO)