TAGAPAGHATID ng balita at impormasyon at hindi opisyal na tagapagsalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang magiging papel ni TV host at dating news presenter Daphne Oseña-Paez.
“Makakasama sa bawat briefing na gagawin dito sa Press Working Area. Siya ang magiging tagapaghatid ng balita at impormasyon tungkol sa mga gawain at proyekto ni President… Marcos,” pahayag kahapon ni Press Undersecretary at Officer-In-Charge Cheloy Garafil.
Sinabi ni Oseña-Paez, sa kanya manggagaling ang mga update mula sa Palasyo.
“The President will speak for himself. I am just here to support the Office of the Press Secretary for now,” sabi niya.
Tagapagtaguyod si Oseña-Paez ng women and children’s rights at naging bahagi rin ng Malacañang Press Corps noong administrasyong Ramos.
Nagtapos siya sa University of Toronto in Canada ng kursong fine arts and history at kasalukuyang naka-enrol para sa advanced certificate on environmental management.
Nagsilbing host si Oseña-Paez ng ilang events sa Malacañang kabilang ang paglulunsad ng 2015 APEC sa Filipinas noong Disyembre 2014 sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Noong Pebrero 2019 ay hinirang siya bilang UNICEF’s National Goodwill Ambassador “for actively supporting and promoting children’s rights.”
Nagsilbing piloto ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang ama niyang si Col. Delio Osena at nanungkulan din sa Philippine Consulate sa Canada. (ROSE NOVENARIO)