MAYORYA ng mga Pinoy ay naniniwala na ang bansa ay patungo sa tamang direksiyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa pinakahuling resulta ng survey na inilabas ng OCTA Research.
Ang OCTA survey ay isinagawa noong 23-27 Oktubre na may 1,200 adult respondent.
Itinanong sa respondent, “Batay sa mga patakaran at programang ipinakita at ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon, sa tingin mo ba ay namumuno ang bansa sa tamang paraan?”
Batay sa 4th quarter ng 2022 Tugon ng Masa survey ng OCTA, 85 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pinoy ang nagsabing ang Filipinas ay patungo sa tamang direksiyon, at 6 porsiyento lamang ang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon.
Sa mga pangunahing lugar, 91 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pinoy sa Visayas ay naniniwalang ang punong ehekutibo ay pinamamahalaan nang maayos ang bansa, habang 87 porsiyento sa Balance Luzon at 84 porsiyento sa Mindanao ang nagpatibay nito.
Samantala, 70 porsiyento ng mga Pinoy na nasa hustong gulang sa National Capital Region ang naniniwala na ang bansa ay patungo sa tamang direksiyon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng socio-economic classes, ang Class D o ang lower middle class ay nagrehistro ng pinakamataas na pagsang-ayon na ang bansa ay patungo sa tamang direksiyon, na nagrerehistro ng 86 porsiyento.
Habang 81 porsiyento ng mga nasa ilalim ng Class E, o ang ‘pinakamahirap sa mahihirap,’ at 79 porsiyento ng mga Class ABC, na karamihan ay binubuo ng upper middle class, ay naniniwala na ang bansa ay nasa tamang landas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa OCTA, ang margin of error ng survey ay ±3 percent. (ROSE NOVENARIO)