MAY kasalanan pa bang mas masahol kaysa pandarambong sa kaban ng bayan? Bilyon piso ang ninakaw at pinaghati-hatian ng mga corrupt na negosyante at mga kakutsaba nilang “matatanda, pogi at mga kuya” (bato-bato sa langit). Para sa akin masahol pa ito sa murder, rape, carnapping, at kung ano pang pinakakarumal-dumal na krimen. Ilang mahihirap na kababayan natin ang namatay sa gutom dahil sa pambababoy sa PORK BARREL? Genocide ‘yan. Ilang mga opisina at eskuwelahan ang nawalan ng pagkakataong magkaroon ng sariling service na sasakyan? Ilang kababaihang mahihirap ang napilitang magbenta ng laman dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno sa kanila? Na habang nalulugmok sa kahirapan at bingit ng kamatayn ang mga kababayan natin ay may mga KAMPON NI SATANAS pala na namumunini at nagpapakasasa sa mga ninakaw at dinambong na yaman ng bansa? Ang buwis na ibinayad natin ibinulsa lang ng ilang ‘matatanda, pogi at mga kuya?’
Kung ako ang tatanungin panahon na para muling buhayin ang parusang kamatayan. At dapat rin isama na sa listahan ng karumal-dumal na krimen o heinous crimes ang pagnanakaw sa gobyerno. Sa kasalukuyan mabigat ang kaparusahan sa plunder pero hindi po ito sapat dahil malaki pa ang tsansa na makawala ang mga walanghiya gamit ang sariling perang dinambong nila sa bayan.
Samakatuwid, para matuto, matakot at hindi pamarisan ang mga ‘yan, dapat DEATH PENALTY sa mga GUILTY!
Pero, sandali po, mga kanayon. Hindi ba’t kongreso rin ang magdedesisyon kung ibabalik ang DEATH PENALTY? At, teka, hindi ba’t Tongreso rin ang sangkot sa sinasabing P10 BILYON PORK BARREL SCAM? Hala! E saan naman tayo lalagay niyan? Ginigisa na tayo sa sariling mantika a. Sala sa init, sala sa lamig. Parang no choice na tayo kundi tanggapin na ang mga kriminal, magnanakaw at makakapal ang mukha sa gobyerno ay nagpapalit-palitan lang. Aba ‘e hindi naman puwede ‘yan.
Baka mapuno ang sambayanan at sumiklab ang digmaang sibil ha. Warning lang po.
Hindi pa malinaw kung papaano aagapan ng pamahalaan ang mga KABABUYANG ito. Kung paano ito matatapos.
Hindi kaya panahon na para sa tinatawag na NEW ORDER? Isang makabagong sistema na magsasaayos sa lahat.
Pero paano ito mangyayari? ‘Yan ang malabo pa rin dahil walang pagkakaisa ang mga Pinoy. Kanya-kanya pa rin. Dog eat dog. May kanya-kanyang rally. Parang mga TIMANG!
Let’s get our acts together and move as one, wika nga. Dahil kung kalat-kalat, wala tayong pupuntahan.
At, isa pa. Agree ako. Labas ang mga KOMUNISTA rito. Laos na ang idelohiyang ‘yan.
Kailangan natin ng bagong kaisipan at bagong lider.
Baka ikaw ‘yun?
Joel M. Sy Egco