Friday , November 22 2024

2022 SONA NI FM JR., ‘LUTANG’ Negosyante, makapangyarihan pinaboran

072622 Hataw Frontpage

ni Rose Novenario

‘LUTANG’ ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., dahil wala itong nailatag na kagyat na solusyon sa pinakamahahalagang suliranin ni  Juan dela Cruz.

Bagama’t inaasahan na hindi tatalakayin ni FM Jr. sa kanyang SONA ang mga isyu gaya ng korupsiyon, karapatang pantao, at good governance, wala rin siyang binanggit kung ano ang kanyang gagawin sa kasalukuyang kalbaryo ng ordinaryong Pinoy gaya ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho, at lumalalang kahirapan.  

“Expected that a Marcos can’t talk about human rights, corruption or good governance without being ridiculed. But he didn’t say anything about what he’ll do about inflation, huge joblessness and worsening poverty — the most urgent concerns of most Filipinos today,” pahayag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation hinggil sa SONA ni FM Jr.

Nagtaka si Africa sa pagiging masigasig ng Pangulo na gastusin ang lima hanggang anim na porsiyento ng gross domestic product (GDP), ang pagpapalawak ng mga proyektong pang-impraestruktura ngunit walang binanggit tungkol sa pagbibigay ayuda sa mahihirap bagkus ay tinapyasan ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng mahigit isang milyong benepisaryo.

Walang komitment si FM Jr., sa mga inisyatiba para matulungan sa pananalapi ang nasa sektor ng kalusugan, edukasyon, micro, small and medium enterprises (MSMEs) at overseas Filipino workers (OFWs).

Ang GDP ay kumakatawan sa lahat ng produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng ating bansa sa isang partikular na panahon.

“And while no mention of ayuda, he was so enthusiastic about expanding infra?” ani Africa.

“He said how much he’d spend on infra (5-6% of GDP) but didn’t give figures or commit anything to ayuda or the nice-sounding initiatives for health, education, MSMEs, and OFWs. If anything, he’s even cutting 4Ps beneficiaries by over a million,” dagdag ni Africa.

Inaasahan ang tulad ni FM Jr., na may pagkakautang ang pamilya ng P203-bilyong estate tax sa gobyerno at nakaw na yaman ay walang sasabihin kaugnay sa pagpapataw ng buwis sa mga bilyonaryo o billionaire wealth tax, at sasang-ayon na lamang sa kanyang economic managers at ang itinakda nilang ‘fiscal straitjacket’ para sa Filipinas.

“Also expected that someone with hundreds of billions in unpaid estate taxes and ill-gotten (but still taxable) wealth wouldn’t talk about a billionaire wealth tax — which puts him in bed with the economic managers and their self-imposed fiscal straitjacket,” ani Africa.

“Condoning agrarian reform loans interesting though. But, wow, that fantasy of “The state of the nation is sound.” His trolls have a word for this – lutang,” aniya.

Para kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr., pabor sa mga negosyante at makapangyarihan ang unang SONA ni FM Jr.

“Business as usual ang mensahe, sa kabila ng krisis ng bansa. Pabor ito sa mga negosyante at makapangyarihan. Ito marahil ng kabuuan ng SONA ni Mr. Marcos,” sabi ni Reyes.

Malabo aniya ang pangako ni FM Jr., na ibaba ang antas ng kahirapan sa 9% kung walang malinaw na plano sa pagtataas ng sahod, paglikha ng trabaho, pagwawakas ng kontraktuwalisasyon at pagbibigay ng ayuda sa pinakamahirap.

Nangako ng land reform ang Pangulo pero walang banggit sa land conversion at Rice Tarrification Law na pumapatay sa agrikultura.

“Mukhang may dagdag na buwis pa sa digital services. Dagdag problema pa ang mandatory ROTC,” ani Reyes.

Itutuloy at palalawakin ni FM Jr., ang Build Build Build na hihigop ng pondo mula sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon.

“Hindi niya nabanggit na baon tayo sa utang, halos P13 trilyon na,”giit ni Reyes.

Walang sinabi tungkol sa human rights, usapang pangkapayapaan at paglaban sa korupsiyon. Hindi ba problema pa rin ang mga ito?”

Ayon kay Edmund Tayao, Executive Director ng Local Government Development Foundation, kailangan pag-aralan mabuti ang pagtatayo ng Department of Water Resources lalo na’t ang administrasyon ay magpapatupad ng ‘rightsizing’ o magtatanggal ng mga ahensiya ng gobyerno at magtatapyas ng malaking bilang nga mga kawani.

“Medyo kailangan sigurong pag-aralan mabuti ‘yung creation ng Department of Water Resources kasi kung tayo ay magra-rightsize, nabanggit naman niya na meron magco-converge, abolish… pero bakit magke-create ng Department of Water Resources, kailangan pa sigurong maintindihan mabuti ‘yon,” ani Tayao sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.

Para kay political analyst Jaime Naval, nagpaligoy-ligoy si FM Jr., sa mga kontrobersiyal na usapin gaya ng nuclear power, pagrepaso sa K to 12 program, textbook, pagtutok sa paggamit ng wikang English sa paaralan, at pagbuhay sa mandatory Reserve Officers Training Course (ROTC).  

“Sinabi niya ‘yung debatable, ‘yung nuclear power. You talk about reviewing the K to 12 and other things related to, ‘yung English and textbooks then insert mo ‘yung ROTC which is very debatable. So para kang nananahi sa dulo no’n may sinulid na kailangan mong ibuhol,” sabi ni Naval sa programang The Chiefs sa One PH kagabi.

“You would notice that he is trying to, I can’t find the right term, pussyfoot, (iwas-pusoy) or find the right balance for example, it is very appealing to cite renewable energy and we have much of it etc etc but at the end, he could not afford to hide,” dagdag niya.

“And even what you were trying, the PCGG that you were saying, wala kang hindi nakikita. There’s no explicit statement about PCGG, but in the broad strokes, they can be self-assumed. So trying to play the devil’s advocate or an honest skeptic, watch out because Trojan horses do not come everyday. There might be the possibility that the broad strokes could cover some fine prints that we have to worry about. So ‘yun lang, surprises in the process.”

***

Sa pagbubukas
ng 19th Congress

ZUBIRI BAGONG
SENATE PRESIDENT

SA PAGBUBUKAS ng 19th Congress, pormal na inihalal ng supermajority si Senador Juan Miguel Zubiri bilang ika-24 Pangulo ng Senado sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa botong 19, nasungkit ni Zubiri ang Senate Presidency post, dalawang senador ang nag-abstain, at 2 senador ang hindi lumahok sa botohan para sa senate president.

Ang dalawang senador na nag-abstain ay sina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, at Senadora Risa Hontiveros, habang ang magkapatid na sina Senador Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano ay hindi lumahok sa botohan.

Kabilang sa bumoto kay Zubiri sina Senador Sonny Angara, Raffy Tulfo, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Mark Villar, Robinhood Padilla, Ramon Tulfo, Bong Go, Win Gatchalian, Francis Tolentino, JV Ejercito, Francis Escudero, Renato dela Rosa, Manuel Lapid, at Ramon Revilla, Jr.; ganoon din sina Senadora Loren Legarda, Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar, at Imee Marcos.

Samantala inihalal bilang Senate President Pro-Tempore si Senadora Loren Legarda, at Senate Majority Leader at Chairman ng Senate Committee on Rules si Senador Joel Villanueva.

Tanging si Senador Padilla ang umiwas para bumoto sa posisyon ini Villanueva sa hindi sinabing dahilan noong siya ay tumayo sa plenaryo at ipahayag ang kanyang boto.

Inihalal ng minorya sa senado sa pamamagitan ini Hotiveros si Pimentel bilang bagong Senate Minority Leader gaya ng posisyon ng kanyang ama na si dating Senate President at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr.

Nahalal bilang bagong Senate Secretary si Renato Bantug.

Samantala, ang magkapatid na Cayetano ay naninindigan sa kanilang pagiging independent minority.

Inaprobahan ng senado ang dalawang senate resolution na ipinababatid kay Pangulong Marcos na nagkaroon ng halalan at bagong liderato ang senado.

Kabilang sa mga sumundo at sumalubong kay Marcos sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), bbukod kay Zubiri, sina Villanueva, Legarda, Marcos, Estrada, at Tolentino.

Naging simple ang kasuutan ng mga senador at mga bisita hindi gaya dati na pabonggahan sa kanilang mga kasuotan.

Makikitang nakausot ng Barong Tagalog ang mga lalaking senador at Filipiñana ang mga kababaihan ganoon din ang kasamang asawa at anak ng mga mambabatas. May mga bisitang dumalo sa sesyon ang nakasuot ng Barong, Amerikana, habang ang iba ay naka-business attire.

Tumagal ng dalawang oras ang pagbubukas ng sesyon ng senado simula 10:00 am.

Sa mga susunod na araw, pagbobotohan ng mga senador ang mamumuno  at magiging miyembro sa bawat komite at kung ilang komite ang hahawakan ng isang senador.  (NIÑO ACLAN)

***

ROMUALDEZ,
BAGONG SPEAKER

KATULAD ng inasahan, naging House speaker na si Leyte Congressman Martin Romualdez sa botong 283. Si Romualdez an g ika-24 speaker ng Kamara.

Dawampu at dalawa ang hindi bomoto, apat ang nag-abstain at isa ang bomoto laban sa pagka-speaker ni Romualdez.

Nanumpa si Romualdez, kagaya ng nakaugalian sa pinakabatang kongresista na si Tarlac Rep. Jaime D. Cojuangco, 25 anyos.

Pinagbotohan ng Kamara ang mga kongresistang uupo sa iba’t ibang posisyon at komite sa Kamara kahapon.

Si Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe ay inihalal bilang majority floor leader.

Ang dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo, na naging speaker din ng Kamara ay inihalal bilang Senior Deputy Speaker.

Inihalal din sina Davao Rep. Isidro Ungab, Antipolo Rep. Roberto Puno, Las Piñas Rep. Camille Villar, at Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan, at TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza bilang House Deputy Speakers.

Kasama sa pinagbotohan kahapon ang posisyon ng House Secretary General at House Seagent-at-Arms. Ang iniluklok sa mga posisyong ito ay si Reginald Velasco at retiradong Police Major General Napoleon Taas.

Sa kabilang  mga palakpak at papuring inani ni Pangulong Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), binatikos siya ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa pagkalimot na banggitin ang matagal ng inaasam na pagtaas ng suweldo ng mga guro.

Binatikos ni Castro ang katahimikan ng pangulo patungkol sa patuloy na panlilinlang at pekeng balita, ang paglabag sa karapatang pantao, at korupsiyon na umiiral sa bansa.

Gumanti si Castro sa balak ni Marcos na papasukin ang mga estudyante sa eskuwela. Ani Castro,  magkakaroon ng ‘disaster’ kapag nangyari ito lalo ngayong tumataas ang kaso ng Covid sa bansa.

Tinutulan ni Castro ang pagbabalik ng ingles bilang pangunahing “medium of instruction” dahil sa pag-aaral na nagsasabing ang nararapat gamitin ay ang “first language of mother tongue” ng mga magaaral. (GERRY BALDO)

***

RALIYISTA SA SONA,
ITINABOY NG ULAN

NAPILITANG buwagin ng mga raliyista ang kanilng rally sa idinaos na kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nitong Lunes, bunsod ng malakas na pag-ulan sa Quezon City.

Maaga pa ay nagsimula nang magtipon-tipon ang mga raliyista sa Philcoa patungong Commonwealth Avenue upang magsagawa ng demonstrasyon.

Bitbit ng mga raliyista, na pinangungunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang isang effigy ng pangulo, na anila ay sumisimbolo sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

Pinagpapalo at pinag-aapakan ng mga raliyista ang effigy sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan sa lugar bago maghiwalay-hiwalay para sumilong.

Anang Bayan, ang effigy, na may taas na 12 talampakan at may titulong “Mad in Malacañang,” ay parody ng pelikulang “Maid in Malacañang.”

Ipinapakita sa effigy si Marcos habang nakaupo sa trono na may larawan ng kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos, gayindin ang seal ng Republika ng Pilipinas na may larawan ng alimango at may mga nakasulat na mga katagang ‘Sagisag ng Alamano ng Pilipinas.’

Nakasuot rin ang effigy ng party hat at nakaharap sa isang mesa na may nakatakip na mga watawat ng China at America.

“The effigy represented how detached Marcos was from the crisis affecting millions of poor Filipinos,” anang Bayan sa isang pahayag.

“During his first week in office, Marcos reportedly had 3 parties, was not able to fill all his cabinet posts, and was seen denying the inflation figures from the Philippine Statistics Authority. Marcos has yet to outline a comprehensive economic program, three weeks into his term,” dagdag nito.

Samantala, hinamon ng mga raliyista ang pangulo na patunayang hindi siya gaya ng kanyang ama at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ito ay mga hamon namin na patunayan niya na siya ay hindi si (Rodrigo) Duterte, patunayan niya na hindi siya another Marcos Sr., at may kakaibang katangian siya na ipatupad at galangin ang kahilingan ng manggagawang Filipino at ng mamamayang Filipino,” ayon pa kay Labor group Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog.

Sa pagtaya ng Quezon City Police District (QCPD), aabot sa 4,000 ang mga raliyistang nakiisa sa anti-Marcos protests.

Ayon kay QCPD P/BGen. Remus Medina, tiniyak nilang patas ang pagtrato sa mga pro at anti-Marcos protesters.

Pinaghiwalay anila ang dalawang grupo at naglaan ng parehong dami ng mga pulis para magbantay, upang maiwasan ang komosyon.

Nabatid ang mga anti-Marcos ay binigyan ng permit na balido lamang hanggang 12:00 noon at pinayagan silang manatili sa Tandang Sora area.

Mapayapa umanong idinaos ang kanilang programa simula 8:00 am ng umaga bago unti-unting nag-disperse.

Nabatid na ang ibinigay naman na permit sa mga pro-Marcos demonstrators ay mula 2:00 pm hanggang 6:00 pm.

Ayon sa organizers, nasa 10,000 ang mga dumalo sa pro-Marcos rally. (ALMAR DANGUILAN)

About Rose Novenario

Check Also

Suspek timbog sa Pampanga
LALAKING NAGKAKAPE UTAS SA BOGA NG KAKOSA

PATAY agad ang isang 55-anyos lalaki nang pagbabarilin sa bahagi ng Tanigue St., Brgy. 14, …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

UAS UNLEASH

UAS Invests in UNLEASH, a Groundbreaking Pet Lifestyle App to Provide Filipinos’ Pet Companions Peace of Mind Through Technology and IoT

UAS (Universal Access and Systems Solutions), a leading technology solutions provider, today announced its strategic …