NANANATILING mababa ang mmga kaso ng CoVid-19 sa lungsod ng Taguig, ayon sa local government unit (LGU).
Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Taguig na nananatiling low-risk sa CoVid-19 ang kanilang lungsod sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga ginagamot sa ospital sa nakalipas na linggo.
Sa tala ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, 35 ang bilang ng mga pasyenteng naka-admit sa Taguig-Pateros District Hospital, Medical Center Taguig at St. Luke’s Medical Center.
Anim na porsiyento o dalawang kaso ang nakararanas ng severe symptoms habang isa ang kritikal.
Ayon sa LGU, 23 porsiyento ang bed utilization rate sa mga naturang pagamutan habang 120 ang bakanteng kama.
Ayon sa city government, ang average daily attack rate ay 2.37 sa bawat 100,000 individuals.
Paliwanag ng LGU, kapag mas mababa sa anim ay maituturing itong low-risk habang kapag 6 to 18 ay medium risk at mataas sa 18 ay high risk.
Naitala ang 157 bagong kaso ng CoVid-19 sa Taguig samantala 233 ang nakarekober at isang pasyente ang namatay.
Hinikayat ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, ipagpatuloy at manatili ang mga residente sa pagsunod sa health protocols at magpabakuna.
“𝐼𝑡𝑜 𝑎𝑛𝑔 𝑒𝑝𝑒𝑘𝑡𝑖𝑏𝑜𝑛𝑔 𝑝𝑟𝑜𝑡𝑒𝑘𝑠i𝑦𝑜𝑛 𝑙𝑎𝑏𝑎𝑛 𝑠𝑎 𝑚𝑢𝑙𝑖𝑛𝑔 𝑝𝑎𝑔𝑡𝑎𝑎𝑠 𝑛𝑔 𝑚𝑔𝑎 𝑘𝑎𝑠𝑜 𝑛𝑔 𝐶o𝑉id-19 𝑠𝑎 𝑏𝑎𝑛𝑠𝑎.”
Gayonman, kailangan pagtuunan ng pansin ang banta ng bagong Omicron subvariants BA.4 at BA.5. Kasalukuyang tumataas ang mga kaso nito sa bansa.
Wala pang naitatalang kaso ng bagong subvariants sa Taguig. Mahigpit na minamatyagan ang sitwasyon sa tulong ng mahuhusay na espesyalistang pangkalusugan. (GINA GARCIA)