MAKAPAGTATALA ng isang panibagong milestone ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX) ngayong 2022.
Ito’y dahil sa inaasahanang pagbubukas ng panibagong interchange, ang Silang (Aguinaldo) Interchange, bago magtapos ang taon. Durugtong ito sa operational sections ng CALAX mula Mamplasan, Laguna hanggang sa Aguinaldo Highway sa Silang, Cavite.
Sa ngayon, ang 3.9-kilometer 2×2 lane CALAX subsection ay mayroon nang 56% completion rate. Kabilang sa mga patuloy na ginagawa ay ang mga drainage at bridge constructions, excavation at roadway earthworks, at pag-instila ng mga bakod at coco net.
“Ang Silang (Aguinaldo) Interchange ay makatutulong para mapaluwag ang isa sa pinaka-congested na highway sa probinsiya ng Cavite — ang 41-kilometer Emilio Aguinaldo Highway.
Mas madali nang mararating ang mga sikat na destinasyon at atraksiyon sa Silang at Tagaytay, Cavite ng mga motorista na manggagaling sa Maynila,” ani Mr. Raul Ignacio, President at General Manager ng MPCALA Holdings Incorporation (MHI).
Bukod sa Santa Rosa-Tagaytay Road Interchange, maaari rin gamitin ang Silang (Aguinaldo) Interchange para mapabilis ang biyahe ng mga motorista mula Metro Manila patungo sa second summer capital ng bansa, ang Tagaytay City. Ang interchange ay may layong 16 kilometers mula sa city proper ng Tagaytay via Aguinaldo Highway at mararating ito sa loob ng 20 minuto.
Target din mabuksan ang iba pang interchange ng CALAX na Open Canal, Governor’s Drive, at Kawit sa 2023. Sa ngayon, ang CALAX ay mayroong 14.24-kilometer operational segment at may mga interchange sa Greenfield-Mamplasan, Laguna Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay, at Silang East. Oras na mabuo ang CALAX project, kokonekta ito sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit, Cavite.
Ang CALAX ay isang 45-kilometer expressway, Public-Private Partnership (PPP) kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang implementing agency at MPCALA Holdings Inc. (MHI) na subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang toll road development arm ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC), bilang private proponent.
Ang MPTC ang pinakamalaking toll road developer at operator sa Filipinas. Bukod sa CALAX at CAVITEX, hawak rin ng MPTC ang concessions para sa North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu. (GINA GARCIA)