‘TINITIMBANG’ ng Malacañang kung uubra sa batas ang pagtalaga kay Atty. Raphael Perpetuo Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy (DOE) dahil kailangan klaro ang kanyang employment status.
Kahit personal choice ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Lotilla para pamunuan ang DOE, inilinaw ng Palasyo na nominasyon pa lang ang ginawa ng Punong Ehekutibo para sa kanya.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, si Lotilla ay kasalukuyang independent director ng Aboitiz Power Corporation at ng ACE Enexor.
Tinukoy ni Cruz-Angeles ang Section 8 ng Republic Act No. 7638 o Act Creating the Department of Energy na “No officer, external auditor, accountant, or legal counsel of any private company or enterprise primarily engaged in the energy industry shall be eligible for appointment as Secretary within two years from his retirement, resignation, or separation therefrom.”
Dahil dito, nirerepaso aniya kung maituturing na opisyal ng kompanya ang isang independent director.
Samantala, pangungunahan ni Pangulong Marcos Jr., ‘virtually’ang ikalawang cabinet meeting ng kanyang administrasyon.
Nasa ika-limang araw sa isolation si FM Jr., mula nang magpositibo sa CoVid-19 noong nakalipas na Biyernes. (ROSE NOVENARIO)