HATAWAN
ni Ed de Leon
KAHIT na noon pa, alam naman ng halos lahat na “daddy’s girl” si Carmina Villaroel. Kasi wala naman siyang matatakbuhang iba kundi ang erpat niya. Matagal na ring yumao ang mother niya. Kaya nga nitong mahigit na dalawang dekada na, ang gumagabay sa kanya ay si Daddy Reggie na.
Kaya naman hindi mo maiaalis sa kanya ang matinding kalungkutan nang yumao na rin si daddy Reggie tatlong araw lamang ang nakararaan. Pinili na lang nilang maging pribado ang kanilang
pagdadalamhati, at makalipas nga lang ang isang araw ay may post na si
Carmina sa kanyang social media account na hawak-hawak na niya ang urn na naglalaman ng labi ng tatay niya.
Maging ang kanyang anak na si Cassy ay nagpahayag din ng kalungkutan sa pagkawala ng kanyang minamahal na lolo.
Sa nakikita namin, matagal ang epekto ng pagkawala ng kanyang ama kay Carmina, pero bilang isang professional, kailangan pa rin niyang harapin ang kanyang career. Iyan ang sakit ng isang artista ka. Ano man ang dinadamdam mo, ang umiiral ay ang kasabihang “the show must go on.” Wala silang pakialam kung ano man ang nangyari. Wala silang pakialam kung ano man ang nadarama mo. Kailangang patuloy kang magbigay ng kasiyahan sa publiko. Artista ka eh.
Iyan ang isang bagay na natatandaan naming sinasabi ni Kuya Germs. Noong mamatay ang mother niya, halos maghapon at magdamag siya sa Mt. Carmel Church dahil doon nakaburol pero basta oras na ng kanyang show, tatawid siya papuntang Broadway Centrum dahil hindi niya maaaring pabayaan ang kanyang show. Kailangan siyang tumawa at magpatawa, kasi iyon ang trabaho niya. Artista siya eh. Walang kinalaman ang tao sa nararamdaman mo. Ang kailangang isipin mo ay kung ano ang gustong makita sa iyo ng mga taong nanonood sa iyo.