TIKOM ang bibig ng Malacanang sa isyu na kaya tinanggihan ng China ang pagdalo ni Pangulong Benigno Aquino III sa China-Association of South East Asian Nations EXPO (CA-EXPO) sa Nanning, China ngayong linggo ay dahil hindi pumayag ang Punong Ehekutibo sa tatlong kondisyong inilatag ng nasabing bansa kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.
Batay sa ulat, ipinaabot ng Chinese government ang mensahe na tatanggapin lang nila sa CA-EXPO si Pangulong Aquino kung hanggang Agosto 27 ay iaatras ng Filipinas ang kasong isinampa laban sa China sa isang international tribunal, at paaalisin ang mga sasakyang pandagat at mga tropang naka-istasyon sa Ayungin Shoal.
Tumanggi rin ang Palasyo na magbigay ng komentrayo kung may karapatan ang China na magbigay ng mga kondisyon sa ibang bansa na tulad ng Filipinas.
“Perhaps not to add fuel to the fire, I will not comment,” ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Pinabulaanan din niya na ang Pangulo ang huling nakaalam na hindi siya pinayagan ng China na dumalo sa nasabing pagtitipon at hindi nagpabaya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagbibigay sa kanya ng mga bagong detalye hinggil sa mga usaping panlabas.
(ROSE NOVENARIO)