HATAWAN
ni Ed de Leon
“WALANG tulugan.” Iyan ang karaniwang maririnig mong isinisigaw ni Kuya Germs. Kung sabihin nga nila noong araw, si Kuya Germs ang may kagagawan kung bakit maraming Filipino ang may insomnia, kasi sigaw siya nang sigaw ng “walang tulugan.” Kasi naman binigyan siya ng TV show na kung magsimula nang live, kadalasan lampas na ang hatinggabi, kaya nga minsan inaabot siya ng 4:00 a.m..
Pero simula nang mawala si Kuya Germs, nawala na rin iyong “walang tulugan.”
Noong isang gabi, inaantok na kami, at naiidlip na habang nanonood ng telebisyon nang tila nagulantang na lang kami nang magsigawan sa telebisyon ng “walang tulugan.” Totoo, milyong tao ang sumisigaw ng walang tulugan. Iba ang dahilan ng pagsigaw, pero iyong expression na pinasikat ni Kuya Germs, iyon iyon.
Siguro kung nasaan man si Kuya Germs, nangingiti na lang siya dahil hanggang ngayon may sumisigaw pa rin ng“walang tulugan.”