HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI ba noon pa man niliwanag na ng kanyang mga manager, ang Viva Artists Agency na walang ine-endosong sino mang kandidato si Sarah Geronimo? May lumabas lang na picture niya na nakasuot ng isang political color, ikinalat nila iyon sa social media at sinasabing si Sarah ay endorser ng kandidato nila.
Eh kung minsan hindi naman ganoon ang kulay ang suot mo nae-edit nila ang picture at napapalitan nila ang kulay ng damit mo.
Tapos sasabihin na ang artista ay “paasa lang” kung hindi nila makikitang sumasama sa kanila. Eh sino ang may kasalanan? Bakit naman sila umasa? Narinig ba nila si Sarah na nangakong magkakapanya para sa kandidato nila?
At saka bakit nga ba iyang mga politiko paniwalang-paniwala sa endorsement ng mga artista? Hindi naman iyang mga artista ang maghahatid sa inyo ng boto, kahit na magsasayaw pa sila nang parang nai-epilepsy sa mga rally ninyo. Iyon ngang mga artista na mismo hindi nakasisigurong mananalo eh. Iyong asawa nga ng artista sinasabing milagro na lang kung mananalo eh.
Hindi rin ang relihiyon ang magpapanalo sa kandidato. Ngayon nga ang usapan, sino daw kaya ang mas pakikinggan, ang dasal, ang mga obispong Katoliko, o ang dasal nina Bro. Mike Velarde ng El Shaddai, ni Executive Minister Ka Eduardo Manalo ng INC, at Pastor Apollo Quiboloy? Mahirap na lang magsalita.
Kaya huwag naman ninyong awayin ang mga artistang ayaw mag-endoso ng kandidato. Mas mabuti na iyong hindi nag-eendoso, kaysa roon sa panay ang endorsement na nakasisira pa.