POLITICAL WILL lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para makolekta ang P203-B estate tax sa pamilya Marcos.
Ito ang hamon ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner at International Center for Transitional Justice Senior Expert of Programs Ruben Carranza kay Pangulong Duterte.
Giit niya, kung napakadali para kay Pangulong Duterte ang kumuha ng buhay ng libo-libong Filipino, sana’y ganito rin ang gawin ng Punong Ehekutibo sa paniningil sa utang na P203-bilyong estate tax ng pamilya Marcos sa gobyerno.
“I think the BIR, if it had political will and if Rodrigo Duterte, tinatanong niya ‘yung BIR bakit hindi ninyo kinokolekta, if he is able to murder thousands of people, ang dali sa kanyang kumuha ng buhay ng Filipino, bakit hindi kasing dali sana na gawin niya ang pagkolekta ng buwis sa mga Marcos? So it’s a matter of political will,” sabi ni Carranza sa panayam sa The Chiefs sa One PH.
Ani Carranza, sang-ayon siya sa panukala ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na sampahan ng kaso ang mga Marcos alinsunod sa National Internal Revenue Code na willful evasion of taxes.
Ang mga Marcos aniya ang naghain ng kaso sa Supreme Court kaugnay sa estate tax pero kahit natalo ay ayaw magbayad.
“Willful kasi ilang taon ka nang hindi nagbabayad , ayaw mo bayaran, criminal case ‘yan, ‘yan ang una. Pangalawa, money laundering. Ang purpose nagsampa sila ng kaso sa estate tax because they were trying to launder ill-gotten assets thru the estate procedure, Kapag sinabi kasing kasama na ‘yan sa estate ni Marcos Sr., sasabihin niya na hindi pala ‘yan ill-gotten which is a mistake as well because lahat ng ari-arian ng mga namatay na tao nakuha man niya ito sa legal o illegal na paraan, puwedeng patawan ng buwis,” paliwanag niya.
Kaugnay nito, inihayag ni Communications Secretary at acting Presidential Spokesman Martin Andanar na ilang administrasyon na ang pinagdaanan ng estate tax liabilities ng mga Marcos at si Pangulong Duterte ay tinawag na ang atensiyon ng BIR hinggil sa isyu.
“The issue of the Marcos family’s estate tax liabilities has spanned over several administrations.
President Rodrigo Roa Duterte in his last Talk to the People Address has already called the attention of the Bureau of Internal Revenue to address the issue,” ani Andanar sa kalatas kahapon. (ROSE NOVENARIO)