ni ROSE NOVENARIO
INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang house-to-house vaccination upang hindi masayang ang biniling CoVid-19 vaccines ng pamahalaan.
Sa kanyang Talk to the People kagabi, ipinaliwanag ng Pangulo na titiyakin niyang hindi masasayang ang mga nakaimbak na CoVid-19 vaccines dahil magbabahay-bahay ang mga manggagawang pangkalusugan ng pamahalaan upang maseguro na matuturukan ng bakuna ang hindi pa bakunado.
“So itong mga bakuna mag-expire either ibigay natin ito sa mga countries na wala pa or siguraduhin natin na ano na lang — we’ll embark on a program last minute na mag-house-to-house na lang sa mga barangay. At ‘yung hindi pa nabakunahan — marami pa ‘yan — kailangan lumabas na at mapag — mabakuna sila,” anang Pangulo.
Umalma ang Pangulo sa mga kritisismo sa napaulat na may P12-bilyong halaga ng CoVid-19 vaccines ang ma-e-expire na dahil sobra-sobra ang biniling bakuna ng gobyerno.
“May naiwan tayong mga bakuna at marami namang nagdadaldal na pag-expire. E alam mo ang bakuna nandiyan para sa lahat ng Filipino in-order natin ‘yan,” aniya.
“Ngayon, kung may mga Filipino marami pa na hindi nakapagbakuna o ayaw magpabakuna, e hindi naman kasalanan ng gobyerno na magbili tayo commensurate to the number of Filipinos that would be vaccinated sana,” dagdag niya
Inihayag ng Department of Health (DOH) na magbibigay ang Filipinas ng CoVid-19 vaccine sa Myanmar at Papua New Guinea.