KULUNGAN ang binagsakan ng tricycle driver at ng kanyang live-in partner dahil sa reklamong hold-up at obstruction of justice, sa Muntinlupa City, Sabado ng hapon.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Muntinlupa Prosecutor’s Office ang suspek na si Rommel Landrito, 47, sa paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code o Robbery (Holdup, illegal possession of firearms and ammunitions) o Republic Act 10591 na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, Section 11 o possession of illegal drugs ng Republic Act 9165 habang si Clair Barcelona, 45 ay sinampahan ng Obstruction of Justice dahil sa pagharang sa mga pulis.
Ayon sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, dakong 4:00 pm ng Marso 19 nang maganap ang panghoholdap sa Bautista St., National Road, Brgy. Bayanan Muntinlupa City.
Isang Joseph Guan ang naghain ng reklamo sa Barangay Bayanan kaugnay sa panghoholdap sa kaniya na itinawag sa Putatan Police Sub-Station para sa police assistance.
Naglalakad ang biktima para bumili ng sigarilyo sa tindahan nang tutukan ng baril at magdeklarang holdap si Landrito.
Nang matangay ang kaniyang mga gamit kabilang ang suot na tsinelas ay sinundan niya ng tingin at nakita niyang pumasok sa isang bahay malapit sa pinangyarihan.
Sa follow-up operation, natunton si Landrito sa itinurong bahay na tinakbuhan nito ngunit nakialam ang live-in partner nito kaya inaresto rin siya.
Nakompiska ang isang gray ASUS cellphone, isang iPhone 5s, at Havaianas slippers.
Nasamsam din ang 0.4 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,720.00, at isang Smith & Wesson kalibre .38 revolver, walang serial number at may limang bala. (GINA GARCIA)