ni ROSE NOVENARIO
IMBES bayaran ang pagkakautang sa pamahalaan na P203-bilyong estate tax, mas pinili ng anak ng diktador at presidential bet Ferdinand Marcos, Jr., na gastusan ang social media upang ilakong ‘fake news’ ang atraso ng kanilang pamilya sa bayan.
Sa panayam, matapos ang ginanap na Comelec-sponsored presidential debate kamakalawa ng gabi, iginiit ni presidential bet, Vice President Leni Robredo, ang pagtanggi ng anak ng diktador at presidential candidate na bayaran ang napakalaking utang sa gobyerno ay nagpapakita na hindi talaga siya kalipikadong maging susunod na pangulo ng bansa
“Sa akin , it’s just a lot about the kind of person that he is and how unqualified he is for the presidency. Kasi na-imagine mo ba na somebody na aspiring to be president, napakalaki noong utang sa pamahalaan?” ani Robredo.
Binigyan diin ni Robredo, problema ng bayan ang utang ng pamilya Marcos dahil ang P203-B ay puwedeng magamit ng gobyerno para ibigay na ayuda sa mga mamamayan na direktang apektado ng CoVid-19 pandemic at paglobo ng presyo ng langis.
“Hindi naman ‘yun puwede. Pero he gets away with it dahil sa disinformation, dahil sa propaganda. So ito, ito hindi lang ito problema ko dahil kalaban ko siya, pero problema natin itong lahat,” aniya.
“Hindi ito fake news ha, sinasabi niya na fake news pero meron na ‘yung decision naging final and executory na. Kung masingil ito, ‘di ang dami sa ating mga kababayan ang maiibsan ‘yung kahirapan na pinagdaraanan,” sabi ni Robredo.
Noong 1997, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbasura sa hirit ng mga Marcos laban sa “1993 levy and sale on 11 Tacloban properties meant to settle the delinquent tax debt.”
Kinompirma rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ipinadalang demand letter sa pamilya Marcos noong Disyembre 2021 hinggil sa utang nilang P203-B estate tax.
Sa unang presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) kamakalawa ng gabi, nagkaisa ang presidential candidates na sina Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Sen.Panfilo Lacson, at labor leader Leody de Guzman na dapat singilin ng pamahalaan ang utang na P203-B estate tax ng mga Marcos.