ni ROSE NOVENARIO
KAKARAMPOT na nga, kinaltasan pa ng buwis ang matatanggap na honorarium ng mga guro na magtatrabaho sa gaganaping eleksiyon sa 9 Mayo 2022,
habang patuloy na ‘binebeybi’ ang ‘tax evaders’ na bilyonaryong politiko at negosyante.
Umalma ang Teachers Dignity Coalition (TDC) sa pagkaltas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng P200 buwis sa P1000 transportation allowance na matatanggap ng mga guro sa pagganap ng tungkulin sa halalan sa Mayo.
Sinabi ni Benjo Basas, national chairperson ng TDC, nakatanggap ng ulat ang kanilang grupo na mula pa noong nakaraang linggo ay bawas na ng P200 ang dapat sana’y P1000 transportation allowance bago ibigay sa mga guro.
“Para namang atat na atat sa maliit na halagang masisingil ang BIR sa ating mga guro at talagang kinaltas na ang P200 sa P1000 transportation allowance. Kung tutuusin ay halos wala nang halaga itong P1000 lalo pa ngayong sobra-sobra nang nagtaas ang presyo ng langis. Baka sa huli abonado pa ang mga teacher natin,” ayon kay Basas.
“Sa tingin namin ay hindi naman ito malaking kawalan sa gobyerno, mas dapat habulin ang tax evaders mula sa mga bilyonaryo, mga politiko at mga korporasyon, kung seryoso tayong buwisan ang mga kumikita,” dagdag niya.
Kabilang si Ryan Dela Cruz, guro sa Muntinlupa sa mga kasalukuyang nagsasanay sa Eurotel Las Piñas sa mga makatatanggap ng P800 ngayong araw.
“Nagulat nga kami kasi pinaghahanda pa ng P200 ang mga teacher para maging sukli sa iaabot nilang P1000. Walang kawala, napakasegurista. Sana ganito rin sila sa lahat ng dapat nilang buwisan,” himutok ni Dela Cruz.
Nananawagan ang grupo sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Education (DepEd) at maging sa mga mambabatas na agad himukin ang BIR na suspendehin ang pagpapataw ng buwis na ayon sa grupo ay hindi makatarungan.
“‘Yung mga teacher natin na piniling umupo sa halalan kahit may security at health risk at kahit maliit ang honorarium ay dapat lalo pang bigyan ng incentives at hindi patawan ng buwis,” giit ni Basas.
Ayon sa Comelec Resolution 10727, ang honorarium sa mga gurong uupo sa Electoral Board ngayong halalan ay P7,000 para sa chairman at P6,000 para sa members at karagdagang P2,000 transportation allowance sa kabuuang halagang matatanggap nila.
Nagpadala ng pormal na liham ang TDC sa COMELEC at humingi ng dialogo kay Chairman Saidamen Pangarungan hinggil dito at sa iba pang mga hinaing ng mga guro kaugnay sa halalan, naghihintay na umano sila ng tugon mula sa ahensiya.