SAKIT sa ulo ang muling mararanasan ng mga motorista at ng bawat tahanang Filipino dahil sa muling pagpapatupad ng mga kompanya ng langis ng malaking dagdag-presyo sa produktong petrolyo sa ngayong araw, 15 Marso.
Pangungunahan ng Pilipinas Shell, epektibo dakong 6:00 am ngayong Martes, magtataas ng P13.15 ang presyo ng kada litro ng diesel, P10.50 sa presyo ng kerosene, at P7.10 sa presyo ng gasolina.
Inaasahan ang pagsunod ng iba pang kompanya ng langis sa kahalintulad na dagdag-presyo sa kanilang petrolyo.
Ang bagong price increase ay bunsod ng paggalaw ng presyohan ng langis sa pandaigdigang merkado na iniuugnay sa sigalot ng Russia at Ukraine.
Samantala, may kuwestiyon ang Department of Energy (DOE) sa dagdag-presyo sa diesel kung babawasan ito o mananatili sa naturang presyo sa Martes.
Sa loob ng 10 linggong price hike sa mga petsang 4,11,18,25 ng Enero, 1, 8, 15, 22 ng Pebrero, 1 at 8 ng Marso ay umabot sa P17.50 ang itinaas ng diesel, P14.40 sa kerosene at P13.25 sa gasolina. (GINA GARCIA)