BAKUNADO na ang 23,414 kagawad ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Tiniyak ng NCRPO ang patuloy na pagbabakuna sa kanilang frontline police officers.
Ayon kay NCRPO Chief director P/MGen. Vicente Danao, Jr., pinoprotektahan ng pagbabakuna, hindi lamang ang taong nabakunahan kundi pati na rin ang mga nakapaligid sa kanila.
Sinabi ng NCRPO Chief, sa kabila ng malaking pagbaba ng kaso ng CoVid-19, ang NCRPO RMDU ay walang tigil na nagsasagawa at nagsusulong ng mga aktibidad sa pagbabakuna upang matiyak na ang lahat ng mga opisyal ng pulisya ay protektado laban sa virus.
Aniya, sa ngayon, 99.41% o 23,414 tauhan ng NCRPO ang ganap na nabakunahan habang .32% o 75 tauhan ang nakatanggap ng unang dosis ng bakuna.
Ang natitirang 64 opisyal ng pulisya ay binubuo ng 0.27% tauhan na hindi nabakunahan dahil sa kondisyon ng kalusugan at iba pang mga kadahilanan.
Sabi ng opisyal, kaisa ng gobyerno ang NCRPO sa pagtitiyak na ang karamihan ng populasyon ay mabakunahan laban sa CoVid-19 upang tuluyan nang matuldukan ang pandemyang dulot ng CoVid-19. (GINA GARCIA)