PINATOTOHANAN ng isang overseas Filipino worker (OFW) at dating miyembro ng KOJC na nakabase sa Singapore ang akusasyon laban kay Quiboloy.
Sa panayam sa Frontline Pilipinas sa News5 , sinabi ni Reynita na pinagtinda rin siya ng grupo ni Quiboloy sa Singapore at pinagkolekta ng mga donasyon para sa pekeng charity sa Filipinas.
“Noong umpisa ako parang okey. We were very excellent, we go home quickly. Napapaubos mo ang paninda mo pero over time, pabigat nang pabigat ang responsibilities,” sabi niya.
Mahigpit umano ang tagubilin sa kanila na huwag babanggitin ang pangalan ni Quiboloy kapag nagtitinda sila o nanghihingi ng donasyon.
“We don’t bring out the name of Pastor Quiboloy, whatever we do that’s the instruction. Hindi namin sasabihin ang pangalan niya,” ani Reynita.
Habang ginagawa niya umano ito para sa sekta ni Quiboloy ay nagbibigay pa siya ng 200 Singapore dollars o higit P7,000 buwan-buwan bilang bahagi ng tinatawag nilang tithes at may quota rin sila tuwing month of blessing at para sa birthday ni Pastor Quiboloy tuwing Abril.
“The very hardest things is the responsibility mo tuwing sa tinatawag nilang MOB o Month of Blessing from the month of September until March. Ang quota mo kapag hindi mo na-meet, for example 12,000 dollars, may utang ka, you need to pay it, the whole amount,” lahad ni Reynita.
Sa puntong ito’y nagising na siya sa katotohanan na minamanipula na siya ng KOJC kaya kumalas na siya noong 2020.
“Hindi ko mawari na sa tinagal-tagal ko, ang sinasamba ko ay mali, we were brainwashed for so many-many years .You hardly believe whatever the truth is in front of you.”
Isa pang biktima ni Quiboloy na isa sa mga naghain ng reklamo sa Estados Unidos na si Arlene Caminong Stone, nakabase sa Amerika, ay sinabing pinalo siya sa ulo ng paddle bilang parusa at pinuwersa na manlimos sa kalsada noong menor de edad pa lamang.
Kaya hindi aniya tamang politika lang ang dahilan ng FBI sa pagpapalabas ng most wanted poster ni Quiboloy.
Kaugnay nito, naniniwala si Magdalo partylist Rep. Manuel Cabochan III, dapat maparusahan ang sinomang nahaharap sa kasong sex trafficking tulad ni Quiboloy.
“Sex trafficking is illegal both in the United States and in the Philippines. For whatever reason sex trafficking was committed, it is a crime and should be punished accordingly. Lust is one of the seven deadly sins, so I agree sex trafficking is evil,” pahayag ni Cabochan. (ROSE NOVENARIO)