ni ROSE NOVENARIO
ISANG linggo ang ibinigay na ultimatum ng mga guro sa Department of Education (DepEd) para aksiyonan ang reklamo nilang pagnanakaw sa kanilang payroll account sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Inihayag ito ni Benjo Basas, national chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa panayam ng HATAW D’yaryo ng Bayan kagabi.
Aniya, obligasyon ng DepEd na tulungan ang mga gurong biktima ng bank theft dahil kasama sa mandato ng kagawaran ay bigyan proteksiyon ang kapakanan ng mga guro.
Kailangan aniyang ang DepEd bilang ahensiya ng gobyerno ang makipag-ugnayan sa LBP na isa rin government agency upang solusyonan ang naganap na pagnanakaw sa payroll account ng mga guro.
Sa kasalukuyan aniya ay nakapaghain na ng pormal na reklamo sa DepEd ang inisyal na 20 gurong biktima ng bank theft na ang halaga ay umabot sa halos isang milyong piso.
Giit ni Basas, hindi katanggap-tanggap ang pahayag ng LBP na ang mga guro na ang nawalan o nabiktima ay sila pa ang sinisisi lalo na’t inilipat sa account ng ibang tao ang kanilang pera at tukoy naman ng banko ang may-ari nito.
Nanindigan kahapon ang LBP na wala silang pananagutan sa pagkawala ng mga pera sa payroll account ng mga guro dahil ito’y hindi insidente ng ‘hacking’ kundi ‘phishing.’
Ayon sa isang information technology (IT) expert, isang convenient excuse para sa mga inirereklamong kompanya kapag sinabing ‘phishing’ ang naganap na cybercrime kompara sa ‘hacking.’
“Sa phishing, kinukuha ang personal information sa pamamagitan ng pag log-in sa mga fake website kaya’t lalabas na kasalanan ito ng customer/user. Samantala sa cybercrime na hacking ay gumagamit ng tools para makopya ang sensitive data sa mga database o system. Kapag hacking, may pananagutan ang kompanya o ahensiya ng gobyerno dahil napasok ang kanilang system,” sabi ng IT expert.
Binigyang diin ni Basas, hihilingin din nila sa DepEd na maghain ng reklamo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa mga guro.
Umaasa ang TDC na maibabalik ng LBP sa mga guro ang pinaghirapan nilang pera tulad ng nangyaring pagsasauli ng BDO sa kanilang mga depositor na nabiktima ng “Mark Nagoyo hacking” noong Disyembre 2021.
Matatandaan, ilang araw lamang matapos pumutok ang balita hinggil sa malawakang hacking sa BDO depositors ay nagbuo agad ng task force ang BSP upang mag-imbestiga sa tulong ng BDO at Unionbank, legal at cybersecurity experts, gayondin ang anti-money laundering experts.
“Kung kayang gawin ito ng BSP para sa depositors ng pribadong banko, mas lalo silang dapat umaksiyon para sa mga nabiktimang guro ng isang government bank,” ani Basas.