SA BILIS ng pagdami ng bilang ng mga kaso ng CoVid-19 sa Muntinlupa City, limitado na ang mga serbisyo sa lungsod.
Sa datos ng Muntinlupa City government, nitong 12 Enero 2022, mayroon silang naitalang 2,447 active CoVid-19 cases, 204 ang bago, mula sa 2,243 rekord niting 11 Enero 2022.
Dahil sa mataas na hospitalization, puno na ang city-run Ospital ng Muntinlupa at hindi na tumatanggap ng out-patient simula noong 10 Enero 2022, maliban sa mga naka-schedule na obstetrics patients o mga buntis.
Payo ng direktor ng ospital na si Dr. Edwin Dimatatac, may telemedicine sila para makapagserbisyo pa rin sa out-patients.
Apektado rin ng sitwasyon ang vaccination campaign ng lungsod dahil nagsara na simula nitong 11 Enero 2022 ang Barangay Buli Health Center vaccination site dahil naka-quaratine ang ilang staff.
Binawasan ang on-site employees ng lokal na pamahalaan sa 50 porsiyento bilang preventive measure laban sa hawaan.
Ipinagbawal din ang pagsasama-sama ng mga empleyado sa oras ng pagkain at mas pinahigpit ang pagsusuoot ng face mask sa lahat ng oras.
Pansamantalang inilipat sa city hall quadrangle ang treasury department para sa ‘al fresco transactions’ mula sa loob ng Muntinlupa City hall building.
Patuloy ang pagsasagawa ng antigen at RT-PCR tests ng Muntinlupa City Health Office (CHO) sa mga komunidad upang agad na mai-isolate ang mga matutukoy na positibo.
Nabatid, mula sa 253 na isinalang sa antigen tests ay 174 ang nagpositibo, awtomatikong isasailalim sa RT-PCR tests para sa confirmation.
Sa datos, may 30,381 confirmed cases ang Muntinlupa City, 27,349 recoveries, 2,447 active cases, 585 reported deaths, o suspected case, 524 probable cases. (Gina Gracia)