MASAYANG ibinahagi ni Angeline Quinto ang una at ikalawang ultrasound na ginawa niya para sa kanyang anak na ipinagbubuntis. Ito ay nangyari noong Sabado ng gabi sa kanyang 10Q:Ten Years of Angeline Quinto concert series na ginawa sa Metropolitan Theater.
Bago ipakita ang ultrasound muling sinabi ni Angeline ang tinuran niya sa interbyu kay Kuya Boy Abunda—ang pag-aalinlangan niya at kung paano sasabihin ang kanyang pagbubuntis. Ani Angeline in between her songs, “Kung wala ang Mama Bob, dahil sa kanya ko lang natutuhan lahat. Paano ko sasabihin sa mga katrabaho ko, sa inyo (pagbubuntis). Kung tatanggapin ba ako ng mga tao. kung sino ‘yung unang taong malapit sa akin ang unang makaaalam. Sobrang nalilito po ako noong panahong iyon.”
Pagkaraan nito’y ipinakita na niya ang unang ultrasound na ginawa sa kanyang anak na nasa kanyang sinapupunan. “Ayan ang unang ultrasoun na ginawa sa akin. Noong nakita ko ‘yan sabi ko ‘totoo nga mayroon siyang laman.’ Ipinakita da akin ng doktor at parang peanut (hitsura) ang liit-liit.
“Pero iba ‘yung (pakiramdam), napakasaya ng puso ko mga kaibigan. Alam ko na noong nawala si Mama Bob may bagong buhay na pumalit na nasa loob ng tiyan ko. Lahat ng mga tanong ko sa sarili ko nawala noong nakita ko ‘yung ultrasound na yan. Sabi ko hanggang lumaki ang batang ito, buong buhay ibibigay ko.
“Unti-unti pong lumalaki ang tiyan ko natuwa ako dahil nasabi ko sa sarili ko na makakapag-alaga ako ng isang buhay sa loob (tiyan) at habang lumalaki iyan araw-araw, linggo linggo, buwan-buwan mas lalo akong nae-excite.”
Pag-amin pa ni Angeline, “Noong makita ko siya sa unang beses, na nakita ko ang magiging anak ko, walang kasing saya ang nararamdaman ko.”
At lalo pang sumaya ang singer/aktres nang sa ikalawang ultrasound ay buo na niyang nakikita ang anak na nasa kanyang tiyan. ”Ito ang ikalawang ultrasound na ginawa sa akin, kompleto na, ang galing. May ulo na, may paa, may kamay. hHay sabi ko ‘Diyos ko, napakabuti ninyo sa akin. Lagi kong idinadasal sa Diyos, ‘para saan ako nabubuhay ngayon? Para kanino ako gigising sa umaga? May mga trabaho po ako hindi ako masaya, paano ako mabubuhay ulit eh wala na si Mama Bob.
“Kaya gusto kong magpasalamat sa inyong lahat dahil sa pagtanggap ninyo sa akin sa panibagong yugto ng buhay ko.”
Sinabi pa ni Angge na, “Wala po akong ibang maipapangako sa inyo sa pagkakataon na maging nanay ako, mas lalo kong pagbubutihin ang lahat para sa inyong lahat at siyempre para sa aming dalawa ng anak ko. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat.”
Ang 10Q:Ten Years of Angeline Quintoconcert series ay sinimulan noong October 29, 2021 at magtatapos sa January 29, 2022.Ang concert series ay bilang selebrasyon ng ika-10 taon ni Angeline sa showbiz.
At noong gabi ng Kapaskuhan, iyon ang ika-limang serye ng concert ni Angeline na ang special guests niya ay sina Boy Abunda, Coco Martin, at Martin Nievera.
Sa kabilang banda, ibinuking ni Kuya Boy na gwapo ang ama ng magiging anak ni Angge. Pero hindi niya napilit ang singer/aktres na ipakilala ng napakasuwerteng lalaki.
Ani Angge, “Tito Boy kilala naman ninyo ako, lahat naman ng espesyal na nangyayari sa buhay ko kahit ano pa ‘yan ay ibinabahagi ko sa inyong lahat. Pero sa pagkakataong ito, talagang nag-usap kami napaka-private na tao kasi niyon. Gusto niya kung makikilala man siya hindi muna ngayon.”
Pumayag si Kuya Boy kaya ang ipinilit na lang niya ay ang palayaw o tawagan nila?
Sagot ni Angeline, ”Tawagan namin? Ang tawagan namin, Boy, joke lang ha haha. A, nagsimula siyang tawagin ako na Angge lang eh, at ang tawag ko sa kanya ngayon Babe.”
At ipinalarawan ni Kuya Boy si Babe. “Si Babe ngayon siya ‘yung nakikita ko na magiging katuwang ko sa buhay ko, panghabambuhay.”
Sinabi naman ni Kuya na guwapo ang ama ng magiging anak ni Angge at maganda ang aura ni Angeline ngayon.