ni ROSE NOVENARIO
INAPROBAHAN ng Food and Drug Administration (FDA) kahapon ang emergency use authorization para sa CoVid-19 vaccine na gawa ng Pfizer para sa mga batang edad 5 – 11 anyos.
“Ito pong bakunang ito ay ginagamit na po sa mga bata sa maraming bansa katulad po sa US, sa Europa at saka po sa Canada and upon the review of the technical documents and the evaluation of the US FDA recommendations, our experts have found that data submitted is sufficient for the EUA approval,” ayon kay FDA chief Eric Domingo.
Aniya, higit sa 90% ang efficacy rate ng naturang bakuna ngunit iba ito sa Pfzier vaccine na para sa adults at youth.
“Mataas din po iyong kaniyang efficacy rate, above 90% sa mga batang 5 to 11 years old and at the same time iyon pong nakita adverse events doon po sa clinical trial ay very mild lamang po ‘no, katulad lamang ng ibang bakuna na natatanggap ng mga bata so konting… siguro po may sinat, konting pananakit doon sa area ng injection pero wala pong nakitang any unusual or important safety signals para po hindi natin ibigay itong EUA. So this is being granted today,” ani Domingo.
Dahil ibang bakuna ang gagamitin para sa 5-11 anyos, kailangan bilhin ito ng hiwalay ng gobyerno.
“Ibang vaccine po itong gagamitin ng 5 to 11 sa mga bata so they will have to order and procure this separately. Iyon pong mga present doses po natin na nandito ngayon ay pang-adults po iyon at maaaring gamitin sa 12 to 17 pero sa 5 to 11 ibang bakuna po iyong gagamitin,” sabi ni Domingo.
Nauna rito’y inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., target simulan ang pagpapabakuna sa 5-11 anyos sa susunod na buwan.
Kaugnay nito, inaprobahan na rin ng FDA ang EUA CoVid pill na Molnupiravir.
Tanging may edad 18 pataas lamang ang puwedeng uminom nito at puwede lang gamitin ng may mild at moderate cases ng CoVid-19 at hindi maaaring ipainom sa may severe case.
Hindi rin ito puwedeng inumin ng buntis at hanggang limang araw lamang puwedeng ipainom sa pasyente.
Habang sa Amerika ay inaprobahan na ng US FDA ang CoVid-19 pill na gawa ng Pfizer na may 90% efficacy rate at mabisa rin sa Omicron variant.
Maaari itong ipainom sa CoVid-19 patient na may edad 12 anyos pataas.