PINAIKLI ng Department of Health (DOH) ang interval ng CoVid-19 booster shots simula ngayon.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, alinsunod sa bagong patakaran , puwede nang iturok ang booster shots sa mga adult ng tatlong buwan matapos mabakunahan ng second dose habang ang nakatanggap ng primary single-dose vaccine ay makaraan ang dalawang buwan.
Ang mga bakunang gawa ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac, at Sputnik ay two-dose vaccines habang ang Janssen ay single-dose vaccine ang mga aprobadong gamitin sa bansa.
Dati’y kailangan pang maghintay ng anim na buwan matapos ang second dose bago makakuha ng booster shot.
Ani Duque, ginagawa ng kagawaran ang lahat ng posibleng paraan upang labanan ang epekto ng mga mas nakahahawang variants ng CoVid-19.
Ngunit prayoridad pa rin aniya ang mga taong hindi pa bakunado kontra CoVid-19 kaya’t hinikayat niya ang mga lokal na pamahalaan na kombinsihin ang mga mamamayan na magpabakuna na.
“Ensuring enough coverage of the primary series while adhering to the minimum public health standards are crucial if we want to maintain low to minimal risk classification and have adequate health systems capacities especially during the holiday season,” ani Duque. (ROSE NOVENARIO)