IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa anim na rehiyon sa bansa na napinsala ng bagyong Odette.
Ito’y ang Regions 4B (Mimaropa – Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), at13 (Caraga).
“The declaration of the state of calamity will hasten the rescue and relief and rehabilitation efforts of the government and the private sector,” ani Duterte sa kanyang Talk to the People kagabi.
Epektibo aniyang mekanismo ito upang makontrol ang presyo ng bilihin sa mga naturang lugar.
Nauna rito’y inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, nakahanda na ang $500-million quick-disbursing loan mula sa World Bank para sa post-disaster response ng Filipinas kapag idineklara na ang state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.
Iniulat ni Office of the Civil Defense administrator Ricardo Jalad, 156 indibidwal ang namatay dahil kay Odette habang 37 ang nawawala. (ROSE NOVENARIO)