ni ROSE NOVENARIO
DAPAT mag-imbak ang pamahalaan ng anti-viral pills na gawa ng pharmaceutical companies na Merck at Pfizer para panlaban sa CoVid-19 na inaasahang magkakaroon pa ng maraming variants sa mga susunod na taon.
Inihayag ito kagabi ni microbiologist at OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco kasunod ng pag-alerto ng buong mundo sa Omicron variant ng CoVid-19.
“When people ask me , what’s the game changer? It’s not the vaccines at this time. It’s the anti-virals that Merck and Pfizer has developed because anti-virals don’t care about the variants. Anti-virals are equally effective against every variant under the sun so when people ask me what should the Philippines do? Secure as many pills from Merck and Pfizer so that if we have a surge in the first or second quarter of next year,” ayon kay Austriaco sa panayam sa After the Fact sa ANC.
Kailangan aniyang matukoy ang pinaka-high risk patients at bigyan sila ng sampung anti-viral pills na iinumin sa loob ng limang araw upang hindi lumala ang kanilang sakit .
Matapos aniya ang isang linggong pagpapahinga sa bahay ay bubuti na ang pakiramdam ng pasyente at makababalik na sa normal na buhay.
“We could simply identify most high risk of patients and send them ten pills for everyday for five days , they can take it at home this will prevent them from progressing to severe disease, they stay at home and within a week they get better and go back to work,” dagdag niya.
Pinakamabisa aniyang panlaban sa CoVid-19 ng bansa ang high vaccination rates, high natural immunity at anti-viral pills.
“So it’s the combination of high vaccination rates and high natural immunity with these anti viral pills.”
Umaasa si Austriaco na sa kabila ng global shortage ng anti-viral pills ay makagagawa ng paraan ang Filipinas na makakuha ng sapat na supply upang maiwasang maratay sa mga pagamutan ang mga may CoVid-19.
“I’m aware that there is a global shortage but I’m hoping that my homeland will be able to secure enough to mitigate the hospitalizations,” ani Austriaco.
Wala pa aniyang pangangailangan para itaas ang alert level sa iba’t ibang parte ng bansa sa kasalukuyan.
Batay aniya sa ulat, karamihan sa mga pasyente sa South Africa na tinamaan ng Omicron variant ay nasa edad 20 anyos at ang sintomas ay mild pero nakaramdan ng labis na pagkahapo.
Hindi pa aniya batid ang epekto ng Omicron kapag dumapo sa mga senior citizen.
Para kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, wala pang ebidensiya na magsasabi na ang Omicron variant ay mas nakamamatay kompara sa iba pang variants.
Kailangan pa aniya ng maraming pag-aaral para matukoy kung ang Omicron ay mas malala o less severe, kompara sa Delta variant.
Kaugnay nito, ipinauubaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagpapasyal kung ibabalik ang mandatory face shield policy.
Iminungkahi ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles na magboluntaryo ang mga mamamayan na magsuot muli ng face shield bilang dagdag proteksiyon laban sa virus.