PINAALALAHANAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na mag-ingat at huwag basta maniwala sa mga kumakalat na maling impormasyon o mensahe na galing umano sa ahensiya.
Ito ay matapos kumalat ang pekeng mensahe sa social media na galing umano sa MMDA na simula sa 15 Nobyembre ay ipatutupad ang No Contact Apprehension Police (NCAP) sa buong Metro Manila.
Sa tinawag na ‘fake news’ ibig sabihin umano na walang traffic enforcers ang MMDA na sisita at huhuli sa mga driver para sa alinmang paglabag sa trapiko sa kalsada imbes imonitor ang mga violation on screen via CCTV cameras.
Kaugnay nito, inilinaw ng MMDA, ang NCAP sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ay hindi bagong polisiya at matagal nang ipinatutupad ng ahensiya.
Ang mga MMDA traffic enforcers ay patuloy na maninita ng mga pasaway sa kalsada.
Pinayohan ng MMDA ang publiko na huwag basta maniwala sa mga natatanggap na mensahe.
Para sa mga katanungan, maaaring tumawag sa Metrobase Hotline 136 o magpadala ng mensahe sa lehitimong MMDA Facebook at Twitter accounts. (GINA GARCIA)