ISANG araw matapos ipasara ng National Bureau of Investigation (NBI) ang illegal online sabong sa San Leonardo, Nueva Ecija, muli itong nagbukas kaya’t nagdagsaan muli ang mga parokyano nito.
Agad namang ipinasara ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Chief Brig. Gen. Val de Leon ang naturang illegal live streaming cockfighting sa Mavis sports complex sa nasabing bayan.
Ayon kay Gen. De Leon, “referred for further investigation ang iniutos ng piskal kaya pinakawalan din ang mga dinampot na parokyano.”
“Pero may mga nagreklamo kasi na kulang ang kanilang kaukulang papel tulad ng notice to commence from PAGCOR, kaya ipinahinto namin dahil wala silang maipakitang ganyang papel,” dagdag ni De Leon.
Aniya, “may mga nagtimbre sa amin na nagkukumpulan ang mga tao sa loob, e violation ng health protocol ‘yun.”
Patuloy namang inaalam ng PNP ang may-ari o mga operator ng ilegal na pasugalan dahil hindi nila ito nadatnan doon.
Pero ayon sa ilang source sa PNP, isang opisyal sa probinsiya ang may-ari nito.
Maging si DILG Usec. RJ Echiverri ay nagsabing masusi nilang iimbestigahan ang naturang online illegal sabong.
Tiniyak ni Echiverri, mananagot ang mga taong nasa likod ng operasyon ng ilegal na sugal habang bibigyan ng proteksiyon ang mga legal.
Ang mga legal na online sabong ay superbisyon ng PAGCOR.