HALOS mapuno ang mga kulungan sa Bulacan nang sunod-sunod na maaresto ang 28 kataong pawang lumabag sa batas sa anti-crime drive ng pulisya sa lalawigan hanggang nitong Linggo ng umaga, 19 Setyembre.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang walong suspek sa ikinasang anti-illegal drug operations ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Angat, Balagtas, Meycauayan at San Rafael City/Municipal Police Station.
Narekober sa operasyon ang 23 pakete ng hinihinalang shabu, isang van na may lamang apat na sako at sampung basyo o “bayong” ng mga manok na panabong, cellphone, at buy bust money.
Kasunod nito, nasakote ang 15 suspek sa anti-illegal gambling operations na isinagawa ng mga tauhan ng Malolos CPS, Provincial Intelligence Unit (PIU), at Bocaue MPS.
Naaktohan ang 11 sa kanila sa ilegal na paglalaro ng billiards na may pustahan, samantala ang apat na iba pa ay mahjong.
Nasamsam mula sa mga suspek ang billiard cue sticks, flower cue stick, billiard triangle, set ng billiard balls, plastic table, mga upuan, mahjong bricks set, at cash money.
Timbog din ang mga suspek na kinilalang sina John Louie Antonio ng Brgy. Poblacion, Sta. Maria sa reklamong Sexual Assault at paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law); at Edgardo Soriano ng Brgy. Tangos, Baliwag sa paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law).
Hindi rin nakaligtas ang tatlong pugante nang maaresto ng tracker teams ng Marilao, San Rafael, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), SJDM CPS, at CIDU QCPD.
Nadakip ang mga suspek sa mga krimeng Qualified Theft Thru Falsification of Public Documents; paglabag sa BP 22 (Anti-Bouncing Check Law); at paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children). (M BAUTISTA)